Home NATIONWIDE Higit P18.8M idineposito sa coin deposit machines – BSP

Higit P18.8M idineposito sa coin deposit machines – BSP

MANILA, Philippines – Inihayag ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) nitong Biyernes, Agosto 4, na mahigit P18.8 milyon halaga ng barya ang idineposito sa kanilang coun deposit machines na inilunsad noong Hunyo.

Sa pahayag, sinabi ng BSP na nagrerepresenta ito sa mahigit 10,000 transaksyon hanggang nitong Hulyo 31, o mahigit isang buwan mula nang ilunsad ang programa noong Hunyo 20.

Noong Hunyo, ipinakilala ng BSP ang tatlong CoDMs nito, at nagdagdag pa ng anim, upang hikayatin ang publiko na huwag itago ang kanilang mga barya.

Tinatanggap ng naturang machine ang lahat ng halaga ng barya ng BSP Coin Series at New Generation Currency Coin Series noong 2018, mula sa sentimo hanggang P20 na barya.

Sa pinakahuling datos, karamihan sa mga idinepositong barya sa CoDMs ay idiniretso sa e-wallet ng mga customer habang ang iba naman ay ipinalit sa shopping vouchers.

“The CoDM project is in line with the BSP’s Coin Recirculation Program, which aims to flush out idle coins from piggy banks and jars and put them back in circulation to support the currency needs of the growing Philippine economy,” sinabi ng BSP.

Noong Enero 2021, sinabi ni dating BSP Governor Benjamin Diokno, ngayon ay Finance Secretary, na inaasahang magiging coinless na ang Pilipinas pagsapit ng 2025 at ang maliliit na transaksyon ay pwede nang gawin gamit ang quick response (QR) codes. RNT/JGC