BENGUET, Philippines – Sinunog ng mga awtoridad ang mahigit P22.8 milyong halaga ng halamang marijuana sa Cordillera Administrative Region (CAR) sa loob ng isang linggong operasyon, ayon sa Philippine National Police (PNP).
Sa pahayag nitong Linggo, sinabi ng PNP na 18 operasyon ang isinagawa mula Abril 6 hanggang 12 na nagresulta sa pagkakadiskubre at pagsunog ng 71,873 ganap na lumaking halamang marijuana, 22 seedlings, at humigit-kumulang 70,610 gramo ng tuyong dahon, tangkay, at fruiting tops ng marijuana.
Tinatayang P22.856 milyon ang kabuuang halaga ng nasamsam at sinunog na marijuana.
Arestado rin ang isang high-value suspect sa Benguet sa loob ng naturang operasyon.
Karamihan sa mga plantasyon ay nasa mahihirap marating na lugar sa Benguet na tinatayang may halagang P18 milyon. Sa Kalinga naman, P4.8 milyon na halaga ng marijuana ang binunot at sinira.
“Tuloy-tuloy ang operasyon natin laban sa ilegal na droga, lalo na sa mga pinanggagalingan nito. Kapag sinira natin ang taniman, pinipigilan na natin agad ang pagkalat ng ilegal na droga,” ayon kay PNP chief Police General Jose Melencio Nartatez Jr.
Hinikayat din ng PNP ang publiko na maging alerto at agad i-report ang anumang impormasyon tungkol sa ilegal na plantasyon, dahil mahalaga umano ang tulong ng komunidad sa kampanya kontra droga.
“Hindi ito laban ng pulis lang. Kailangan natin ang tulong ng komunidad. Kapag may alam kayo, magsabi agad. Protektahan natin ang ating lugar,” dagdag pa ni Nartatez. RNT/MND