MANILA, Philippines- Mahigit P50 bilyong halaga ng mga ismagel na vape products at motor parts ang nasabat ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) mula Enero hanggang Agosto ng taong ito.
Ayon kay BOC spokesperson Vincent Philip Maronilla, mula Enero hanggang Agosto ngayong taon ay nasa mahigit P1 bilyon na ng tobacco at vape products ang kanilang nasabat.
“Yung mga motor parts po, kasama po siya sa mga items na nahuhuli namin, mula po sa January hanggang August this year, in totality, lahat ng smuggled products namin including motor parts umaabot na po sa mahigit P50 bilyon,” paliwanag ni Maronilla.
Nabatid pa sa BOC na karamihan sa mga nasamsam na smuggled na produkto ng vape ay nagmula sa China. Gayunman, inamin niya na ang kakulangan ng mga tanggapan ng Customs sa mga baybayin ng bansa ay humantong sa pagpasok ng mga ilegal na produkto.
“Pero ang napapansin naming scheme ay outside smuggling. Ibig sabihin ay mayroon po tayong mga shorelines na hindi natin nababantayan dahil walang Customs offices doon,” ani Maronilla.
Ayon pa sa tagapagsalita, nakikipag-ugnayan na ngayon ang BOC sa Philippine Navy at Philippine Coast Guard sa pamamahala sa mga baybayin.
Pinaalalahanan pa nito ang mga kompanya na ang karaniwang kinakailangan sa pag-aangkat ay akreditasyon mula sa kawanihan. JAY Reyes