MANILA, Philippines – Bahagyang pinagbigyan ng International Criminal Court (ICC) ang kahilingan ng prosekusyon na ma-access ang ilang materyales na nasa kustodiya ng Registry kaugnay ng kaso ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa inilabas na redacted na desisyon nitong Sabado, Hulyo 4, sinabi ng ICC na pinayagan nito ang prosekusyon na ma-access ang dalawang hiniling na materyales.
Ayon sa korte, may makatwirang batayan upang maniwalang ang pagsusuri sa mga naturang materyales ay maaaring makapagbigay ng ebidensiyang mahalaga sa imbestigasyon.
“May reasonable grounds na ang pagsusuri sa mga materyales ay makalilikha ng ebidensiyang kinakailangan para sa imbestigasyon,” ayon sa ICC.
Gayunman, ibinasura ng korte ang kahilingan ng prosekusyon na ma-access ang mga susi (keys) na nakuha ng Registry nang arestuhin at ilipat si Duterte sa kustodiya ng ICC.
Ipinaliwanag ng hukuman na hindi naipakita ng prosekusyon kung anong mga bagay ang maaaring mabuksan ng mga susi at kung paano ito makatutulong sa imbestigasyon.
Isinaalang-alang din ng ICC ang argumento ng depensa na posibleng may kaugnayan ang mga susi sa mga ari-arian o personal na gamit ng mga kaanak ni Duterte, kaya’t maaaring malabag ang kanilang karapatan sa privacy.
Dahil dito, sinabi ng korte na hindi kinakailangan at hindi proporsyonal ang pag-access sa mga naturang susi kaya’t tinanggihan ang kahilingan.
Samantala, itinakda ng ICC Trial Chamber III ang pagbasa ng mga sakdal sa Nobyembre 30, 2026, bilang pagsisimula ng paglilitis sa kasong crimes against humanity laban kay Duterte.
Inatasan din ang prosekusyon na magsumite ng trial brief, listahan ng mga testigo at mga ebidensiyang ihaharap sa korte bago ang Agosto 31.
May hanggang Oktubre 30 naman ang kampo ni Duterte upang tukuyin kung alin sa mga alegasyon at legal na argumento ng prosekusyon ang kanilang kinukuwestiyon at ilahad ang pangkalahatang depensa.
Nasa kustodiya ng ICC si Duterte mula pa noong Marso 2025 kaugnay ng mga kasong may kinalaman sa mga umano’y pagpatay noong siya ay alkalde ng Davao City at sa kampanya kontra ilegal na droga noong siya ay pangulo. RNT/JGC