Home OPINION HINDI LANG MEDALYA, MAS MAHALAGA AMBAG SA AFP

HINDI LANG MEDALYA, MAS MAHALAGA AMBAG SA AFP

1
0

SA dami ng medalya, parangal at ranggong maaaring nakasabit sa dibdib ng isang reservist na opisyal ng Armed Forces of the Philippines, mahalagang tingnan kung ano talaga ang naging ambag niya sa sandatahang lakas ng bansa.

Sa kaso ni Brig. Gen. Michael “Mikee” Romero, isang reservist ng AFP, hindi lamang mga parangal ang dapat tingnan kundi maging ang kanyang mga naging papel at kontribusyon, kabilang ang kanyang trabaho bilang mambabatas sa pagsusulong ng kapakanan at kakayahan ng sandatahang lakas.

Batay sa mga rekord at ulat hinggil sa kanyang naging trabaho sa Kongreso, binanggit niya ang 2018 AFP Salary Standardization Measures, kung saan sinabi niyang isa siya sa mga co-author. Mahalaga ang usaping ito dahil ang sahod, benepisyo at kapakanan ng mga sundalo ay mahalagang bahagi ng kanilang serbisyo.

Noong 2021, bilang Deputy Speaker, naging bahagi rin umano si Romero ng proseso para sa pagkuha ng tatlong C-130J aircraft para sa Philippine Air Force.

Hindi lamang sa Kongreso natapos ang kanyang sinasabing paglilingkod. Sa kanyang Facebook statement, ibinahagi ni Romero ang mahigit 60 boluntaryong humanitarian at civil-military engagements na aniya ay nakatulong sa mahigit 20,000 Pilipino.

Kabilang dito ang pamamahagi ng pagkain, serbisyong medikal at dental, tulong pang-edukasyon at iba pang kagamitan. Isinagawa umano ang mga misyon sa Pag-asa Island, Batanes, Basilan, Tawi-Tawi, Jolo, Dinagat Islands, Zamboanga at North Cotabato.

Kaya kung susukatin ang isang opisyal sa dami lamang ng medalya, maaaring kulang ang sukatan. Mas mahalagang tingnan ang mga batas na sinuportahan, kakayahang naitulong sa AFP, serbisyong naihatid sa mga sundalo at ordinaryong Pilipino, at ang kanyang mga naging papel sa serbisyo.

Malinaw naman ang pananaw ni Romero. Sa kanyang Facebook statement, sinabi niya: “Hinahayaan kong ang aking mga ginawa, ang mga opisyal na dokumento at ang aking service records ang magsalita para sa kanilang sarili.”

Sa huli, mas patas na sukatan ng isang lingkod-bayan at opisyal ng Reserve Force ang laki ng kanyang ambag at pakinabang na naiwan sa institusyong kanyang pinaglingkuran at sa mga Pilipinong kanyang pinagsilbihan, hindi lamang ang dami ng medalya sa kanyang dibdib.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here