Home OPINION HINDI PANTAY SA BATAS

HINDI PANTAY SA BATAS

IPINAGTANGGOL ni Philippine National Police PGen Rommel Marbil ang karapatan ng mga pulis sa paggamit ng EDSA busway sapagkat kamakailan ay napabalita na sinita at tiniketan ng Special Action and Intelligence Committee for Transportation ang pagdaan ng convoy ng mga pulis sa nasabing lane noong Martes ng gabi.

Sinabi ni Marbil na kapag emergency, may karapatan ang pulis na gamitin ang EDSA bus lane pero hindi niya inamin o kinilala kung sino o sino-sino ang nasa convoy basta sinabing mataas na opisyal ng PNP.

O, sino-sino ba ang matataas na opisyal ng PNP? At isa pa sa nakaiintriga ay ang sinabi ng spokesperson ng PNP na si PBGen Jean Fajardo na ang hindi pagbanggit sa pangalan ng opisyal ay para sa kaligtasan nito. Ano raw?

Bakit, may banta ba sa buhay ng opisyal ng pulis na siyang nasa convoy? Weeh, ‘di nga? Pati ba naman ang mga tao ay lolokohin pa ninyo?

Huwag na ninyong lokohin ang mga tao. Malamang ang laman ng convoy, kung hindi si Marbil ay tiyak na mataas na opisyal ng pamahalaan na isa sa kinatatakutan ng mga pulis.

Ayaw lang malagay sa kontrobersya nitong opisyal na ito na siya mismo ang batas subalit siya mismo ang nangunguna sa paglabag sa batas.

Nakahihiya nga namang masabihan siya na “Dapat siya ang modelo nang pagtupad sa tungkulin pero siya ang una-unang law breaker.”

Teka, balikan natin ang dahilan ng PNP sa kanilang paglabag sa alituntunin sa EDSA busway. Emergency! Kapag sinabing emergency laging ang nasa isip ay “it’s a matter of life and death.” Kung emergency yan, dapat ay lulan ng ambulansya. At ospital dapat ang punta at hindi sa Camp Crame.

Kung emergency meeting ang tinutukoy ng PNP, at ayaw paghintayin si Interior and Local Government Secretary na nagpatawag ng meeting, dapat ay maaga silang umalis sa kanilang pinanggalingan para hindi sila ma-late sa usapan.

Hindi iyong gagamitin nila ang busway sa pag-aakalang hindi sila sisitahin ng SAICT. Eh mali ang akala nila. Ang aksyon ng PNP ay patunay na hindi pantay ang umiiral na batas sa Pilipinas.