MANILA, Philippines – Nakakita ng dalawang mangingisda ang hinihinalang bricks ng cocaine sa dagat na sakop ng Tandag City, Surigao del Sur nitong Biyernes, Marso 1.
Ayon kay Police Regional Office 13 Director Brig. Gen. Kirby John Kraft, nakita ng mga mangingisda ang kontrabando sa dagat ng Barangay Bongtud.
Aabot sa isang kilo ang timbang ng nakuhang cocaine.
Nasa kustodiya na ng Surigao del Sur Police Provincial Office – Provincial Drug Enforcement Unit ang hinihinalang cocaine na isasailalim sa pagsusuri ng Regional Forensic Unit 13.
Samantala, binigyan ng cash reward at isang sakong bigas ni Surigao del Sur Governor Alexander Pimentel ang dalawang mangingisda na nakakita nito. RNT/JGC