Home METRO Hinihinalang kaso ng monkeypox sa N. Samar binabantayan

Hinihinalang kaso ng monkeypox sa N. Samar binabantayan

TACLOBAN CITY- Mino-monitor ng health authorities sa Northern Samar ang hinihinalang kaso ng monkeypox sangkot ang isang 24-anyos na lalaki sa bayan ng Catarman.

Nagpalabas ng hiwalay na abiso ang Provincial Health Office (PHO) at ang Municipal Health Office (MHO) ng Catarman nitong Linggo, kung saan nakasaad na isang pasyente ang nakararanas ng sintomas ng monkeypox, kabilang dalawang linggong lagnat, panghihina ng katawan at vesicular rashes.

“We have one suspected monkeypox case—a 24-year-old man who has presented with fever, body weakness, and vesicular rashes over the past two weeks,” saad sa mga abiso.

Tiniyak naman ng health authorities sa publiko na fully operational ang kanilang surveillance system, upang mahigpit na mabantayan ang sitwasyon at komunidad laban sa mga potensyal na banta sa kalusugan.

Sinabi ni Dr. Myrna Trongcoso, Catarman municipal health officer, nagsagawa na ng contact tracing at confirmatory tests pang matukoy kung may monkeypox ang pasyente.

Ang lalaki, hindi tinukoy kung taga-saang bayan, ay walang travel history. Naka-isolate siya sa Northern Samar Provincial Hospital sa Catarman mula Sabado ng gabi, base kay Rei Josiah Echano, pinuno ng Provincial Disaster Risk Reduction Management Office.

Inilahad din ni Echano na nasapul ng dengue ang pasyente kamakailan, na may katulad na senyales ng monkeypox, tulad ng body malaise at mataas na lagnat. RNT/SA