Home NATIONWIDE Hirit ng kampo ni Guo na palugit sa paghahain ng counter-affidavit oks...

Hirit ng kampo ni Guo na palugit sa paghahain ng counter-affidavit oks sa Comelec

MANILA, Philippines- Inaprubahan na ng Commission on Elections (Comelec) ang kahilingan ng kampo ni dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo na extension para maghain ng kanyang counter-affidavit sa subpoena na inihain laban sa kanya.

Paliwanag ni Comelec Chairman George Garcia, awtomatiko nilang ibinibigay sa lahat ng respondents dahil ito naman aniya ay criminal case at ayaw nilang maging mahigpit.

“Pero kung manghihingi pa muli ng panibagong extension, baka naman hindi na talaga dapat, without prejudice sa decision ng law department natin,” giit ni Garcia.

Noong nakaraang linggo, humiling ang abogadong si Stephen David, ang legal counsel ni Guo, sa poll body ng 10 araw na extension para maghain ng counter-affidavit at hiniling na ilipat ang deadline mula Agosto 27, Biyernes, hanggang Setyembre 1.

Pormal na inihain ng mga kinatawan ng Comelec ang subpoena ni Guo noong Agosto 13 kaugnay sa materyal na reklamong misrepresentation na inihain laban sa kanya.

Sinabi ni Garcia na binigyan ng 10 araw o hanggang Agosto 23 ang na-dismiss na alkalde para maghain ng counter-affidavit ngunit inilipat ang period of filing sa Agosto 27 dahil sa holidays.

Nauna nang sinabi ni Garcia na patuloy ang Comelec sa kanilang preliminary investigation laban kay Guo sa kabila ng kanilang umano’y pagtakas sa bansa.

Ito ay matapos aprubahan ng Comelec en banc ang rekomendasyon ng kanilang law department na maghain ng motu propio complainant laban kay Guo para sa material misrepresentation. Jocelyn Tabangcura-Domenden