Home NATIONWIDE Presidential envoy nagpaliwanag sa larawan ng First Couple kasama si Cassandra Ong

Presidential envoy nagpaliwanag sa larawan ng First Couple kasama si Cassandra Ong

MANILA, Philippines- Itinanggi ng presidential special envoy to China ang malapit na ugnayan sa pagitan nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Unang Ginang Liza Araneta-Marcos, at Cassandra Li Ong, na iniuugay sa illegal POGO hub sa Porac, Pampanga.

Ang pagtanggi ni Presidential special envoy to China for Trade, Tourism and Investment Benito Techico ay matapos na ipalabas ni Atty. Ferdinand Topacio, legal counsel ni Ong ang group photo na nagpapakita na ang First Couple kasama si Techico at Ong at sinasabing POGO owner sa Porac, Pampanga.

Ayon kay Techico, ang larawan ay authentic, subalit ang kwento ni Topacio ay hindi totoo.

Winika pa ni Techico na ang larawan ay kuha sa Pasay City restaurant noong Nobyembre 2020, bago pa mahalal si Pangulong Marcos bilang Pangulo ng bansa.

Noong panahon aniyang iyon ay mayroong humiling na magpakuha sa Pangulo subalit wala aniya siyang ideya kung sino ang mga ito.

“After dinner, may pinakilala ‘yung restaurant owner na hindi rin naman namin alam kung sino. May mga kasama siya, pumasok na Chinese, at humingi ng litrato sa ating Presidente [around] 2020. Ang ating Presidente naman ay pinayagan naman po, the typical na nagpa-papicture. Ganon lang kasimple. After that lumabas na po [sila],” ayon kay Techico.

Sinabi nito na doon lamang niya natuklasan na ang larawan ay kuha kasama ang Marcos couple nang maisapubliko ito ni Topacio sa press conference.

Sinabi ni Techico na hindi niya nagawang kausapin si Pangulong Marcos ukol sa naturang larawan,.

Sa kabilang dako, sinabi ni Topacio na ang umano’y larawang nakuha niya mula sa internet, ay maaaring makapagpaliwanag kung bakit dumami ang illegal Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) hubs sa panahon ng administrasyong Marcos.

Si Ong ay awtorisadong kinatawan ng Lucky South 99, isang POGO hub na sinalakay sa Porac, Pampanga. Inaresto ito noong nakaraang linggo sa Indonesia at dinala sa Pilipinas kasama si Shiela Guo, kapatid ng sinibak na Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo, na iniuugnay sa illegal POGO operations.

Sina Ong ay inilipat sa Kamara habang si Shiela Guo naman ay inilipat sa Senado mula sa National Bureau of Investigation (NBI), na siyang kustodiya ng mga ito nang dumating sa bansa. Kris Jose