Bulacan – Patay ang isang suspek sa panghoholdap nang makipagbarilan umano sa mga awtoridad sa Purok 5, Brgy. Santisima, Malolos bandang 11:00 ng gabi ng Agosto 25.
Sa ulat ni PLTCOL Lynelle Solomon, hepe ng Bulakan police station, kinilala ang nasawing suspek na isang binata, nasa hustong gulang at residente ng Brgy. Santisima.
Ayon sa ulat ng istasyon, siya ay sinasabing suspek sa panghoholdap na naganap sa Brgy. Pitpitan, Bulakan.
Dahil dito, nagsagawa ng joint hot pursuit operation “Kuyug” ang mga tauhan ng Bulakan police station, katuwang ang Regional Intelligence Division and Management Division 3, RID3-RSOG, Bulacan Provincial Investigation and Detective Management Unit, CIDG Bulacan, Highway Patrol Team Bulacan, PIU Bulacan, Malolos, Plaridel at Guiguinto police station.
Sa pamamagitan ng pag-back track sa mga CCTV footage ay natukoy ng mga operatiba ang pagkakakilanlan at kinaroroonan ng suspek na agad nillang tinungo para hulihin.
Gayunman, sa halip na sumuko ay pinaputukan ang mga operatibang sumugod sa kanyang lungga na naging dahilan ng palitan ng putok at ikinasawi niya kalaunan
Agad na humingi ng ambulansya ang operating unit habang isinailalim sa seguridad ang crime scene at isinagawa ang pagproseso ng SOCO sa crime scene upang maidokumento ang mga ebidensyang may kaugnayan sa inisdente.
Nasamsam sa lugar ang cal. 38 revolver, apat na cal. 38 cartridge, cal. 38 fired cartridge, case, tatlong deformed fired bullets at dalawang 9mm fired cartridge cases.
Patuloy naman ang kaukulang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang buong pangyayari at makumpleto ang dokumentasyon kaugnay ng armed encounter. Dick Mirasol III