MANILA, Philippines – Isang residente ng subdibisyon ang namatay makaraang magkaroon ng pagtatalo sa pagitan nito at ng guwardiya nang sitahin ng huli ang una sa ipapasok nitong construction materials sa Brgy Bayanan, Bacoor City, Cavite.
Sa report, kinilala ang biktima na si alyas Richard, binata, manager at residente sa Villa Felicia Subdivision ng nasabing lugar na nagtamo ng tama ng bala sa ulo na naging sanhi ng kanyang agarang kamatayan.
Mabilis namang tumakas ang suspek na si alyas Rudy, 53, officer-in-charge (OIC)/security guard ng Star Matrix Security Agency na kasalukuyang naka-destino sa naturang subdivision.
Batay sa ulat, bandang alas-9:10 ng umaga nang papasok ang biktima sa main road ng Villa Felicia subdivision sakay ng kanyang kulay puti na Mazda 323 Sedan na may plakang UMA 374 nang parahin siya ng suspek at sitahin hinggil sa karga nitong mga construction materials.
Dito na nagkaroon umano ng mainitang pagtatalo ang dalawa hanggang sa humantong nang barilin ng suspek ang biktima sa ulo ng dalawang beses gamit ang kanyang issued firearm.
Matapos ang naganap na insidente ay tumakas ang suspek bitbit ang baril na ginamit sa pamamaslang.
Nagsasagawa naman ng manhunt operation ang pulisya sa agarang ikadarakip ng suspek. Margie Bautista