MANILA, Philippines- Kahit magandang polisiya ang executive order na nagbabawal sa operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operators, kailangan pa din ng bansa ang isang batas upang maging malinaw at komprehensibo ang pagbabawal sa naturang industriya, ayon kay Risa Hontiveros.
Kamakailan, ipinalabas ng Palasyo ang Executive Order No. 74 na ginagawang pormal ang pagbabawal sa POGO na binanggit ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang State of the Nation Address noong Hulyo.
“While I laud the aims of the Executive Order, at nagpapasalamat din para sa reintegration program para sa mga displaced workers, may mga bagay pa rin sa EO na hindi malinaw,” ayon kay Hontiveros.
Gamit ang EO, sinabi ni Hontiveros na hindi kabilang sa ban ang online games na isinasagawa ng PAGCOR (Philippine Amusement and Gaming Corp.)-operated casinos, licensed casinos, o integrated resorts na may junket agreements, na maaaring gamitin bilang pamamaraan ng accredited casinos na hawakan ang POGO – online gaming services na nagsisilbi sa sugarol sa abroad.
Nakita din ni Hontiveros na nakatakda din sa ban na exempted ang operasyon sa economic zones tulad ng Cagayan Special Economic Zone at Aurora Pacific Economic Zone and Freeport (APECO) na hindi napapailalim sa superbisyon ng PAGCOR.
“What this only underscore is that we need a clear law to move forward with a meaningful, clear, unequivocal, and comprehensive ban,” ayon kay Hontiveros.
Ipinanukala sa Anti-POGO bill sa Senado ang pagbabawal sa pagsasagawa o paghahandog ng offshore gaming sa loob ng teritoryo ng Pilipinas na eksklusibon sa offshore authorized players kabilang ang recruitment at pagsasanay ng potensyal na POGO workers.
Layunin din ng panukala na amyendahan ang Anti-Money Laundering Act upang isailalim ang sinasabing “unlawful activity” ng POGO sa monitoring at reporting requirements.
Sakaling maipasa ang panukala, babawiin nito ang lahat ng lisensya ng POGO at kanselado ang work permits at visas ng POGO personnel.
Tiniyak ni Hontiveros na tutugunan ang anumang puwang at kakulangan sa panukala na nakabinbin sa ikalawang pagbasa. Ernie Reyes