Home NATIONWIDE Hontiveros kay PBBM: Mga POGO ipasara na!

Hontiveros kay PBBM: Mga POGO ipasara na!

MANILA, Philippines – Hinimok ni Senador Risa Hontiveros si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ipasara na ang mga
Philippine Offshore Gaming Operation (POGO) sa Pilipinas.

Ayon kay Hontiveros nitong Lunes, Abril 29, mas nangingibabaw ang “very serious” social cost ng POGO kaysa sa benepisyo nito.

“Ang liit-liit ng proceeds diyan, ang laki-laki pa rin ng tax obligations nila,” anang senador sa panayam ng ANC.

Iniuugnay ang POGOs sa kriminalidad katulad ng scam operations, human at sex trafficking, illegal immigration at employment, kidnapping, at iba pang mga krimen.

Ipinaalala ni Hontiveros kay Marcos na ang Senado ay “speaking for a few years already and more and more consistently” laban sa patuloy na operasyon ng POGO sa Pilipinas.

Nag-isyu na ng report noong nakaraang taon ang Senate Committee on Ways and Means, na pinamumunuan ni Senador Sherwin Gatchalian, na nananawagan ng total ban sa POGO sa loob ng tatlong buwan, na sinuportahan naman ng iba’t ibang committee members.

“Kung magsalita si Presidente laban sa kanila o mag-utos na ipasara na ‘yan tulad ng nagawa na ng mga past presidents sa iba pang mga malign na negosyo, industriya, that will not hurt at all, that can only help our people,” ani Hontiveros.

Noong Huwebes, sinabi ni Gatchalian na ilang opisyal ng pamahalaan ang umano’y nagpoprotekta sa mga POGO na pawang mga nagmula sa “middle to higher-ups.”

Sinabi niya ito isang araw matapos na personal nilang inspeksyunin ni Hontiveros ang Zun Yuan Technologies compound sa Bamban, Tarlac, na ni-raid ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) noong Marso.

Ani Gatchalian, nakatanggap siya ng impormasyon patungkol sa mga umano’y protektor ng POGO kasabay ng closed-door meeting noong Miyerkules kasama ang mga opisyal ng PAOCC. RNT/JGC