MANILA, Philippines – Tiniyak ni Senador Risa Hontiveros na nakatakda nitong kasuhan ang lahat ng nagpakalat ng isang video sa social media ng isang Alyas Rene na nagsasabing binayaran siya nito upang tumestigo laban kay Detenidong Pastor Apollo C. Quiboloy.
Sa press conference, sinabi ni Hontiveros na kasalukuhang pinipino ng kanyang legal tem ang isang reklamo sa National Bureau of Investigation (NBI) laban sa nagpakalat ng video ni Michael Maurillo o alyas Rene.
Unang natunghayan ng Senate media ang naturang video ni Maurillo sa official account ni Senador Ronald “Bato” Dela Rosa kaya humingi ng reaksiyon kay Hontiveros hinggil sa Paratang na binayaran niya si Rene.
Ayon kay Maurillo sa video na kumalat ng ilang social media tulad ng Facebook account ni Dela Rosa na binayaran siya ni Hontiveros upang magsinungaling laban kay Quiboloy, former President Rodrigo Duterte, at Vice President Sara Duterte sa ginanap na pagdinig ng Senate committee on women, children, family relations, and gender equality.
Tinagurian ni Hontiveros na pawang “fake news” at witness tampering ang video saka naglabas ng ebidensiya na hindi tinakot si Rene na tumestigo laban kay Quiboloy at mag-amang Duterte.
“Sa mga nasa likod ng video na ito, you have crossed the line. Sobra na kayo. Dahil doon. I have consulted with my legal team and on Wednesday, we will file a complaint before the NBI and seek their assistance in investigating the people responsible for this video, and those systematically circulating it in their disinformation networks,” ayon sa senador
“This is only step one and we will take further decisive action, including the filing of criminal complaints. Para sa mga testigo at biktima, at para sa Senado, maniningil kami ng hustisya,” dagdag niya.
Nitong Pebrero noong 2024, ipiniresinta ni Hontiveros si Rene bilang saksi sa Senate committee hearing na kanyang pinamumunuan ang sexual exploitation ng Quiboloy-led religious group, Kingdom of Jesus Christ (KOJC).
Ayon kay Rene, sinasaktan siya ni Quiboloy at inabuso ng ilang miyembro ng KOJC. Inilantad din ni Rene na palaging may dalang baril ang mag-amang Duterte sa tuwing bibisitahin si Quiboloy.
Nakakulong ngayon si Quiboloy sa Pasig City Jail sa kasong qualified human trafficking sa ilalim ng Section 4(a) of Republic Act No. 9208, as amended at paglabag sa Section 5(b) and Section 10(a) of Republic Act 7610 o ang Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation, and Discrimination Act. Ernie Reyes