Home NATIONWIDE Hontiveros naalarma sa pagkakasangkot ng ex-gov’t official sa illegal POGO

Hontiveros naalarma sa pagkakasangkot ng ex-gov’t official sa illegal POGO

MANILA, Philippines – Matinding ikinaalarma ni Senador Risa Hontiveros ang pagkakasangkot ng dating opisyal ng gobyerno na sumabit sa PDAF scandal sa nilusob na illegal na kuta ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) sa Bamban, Tarlac at Porac, Pampanga.

Sa pahayag, sinabi ni Hontiveros na lubhang nakakabahala ang pagkakasnagkot ni dating Technology and Resource Center Director General, Dennis Cunanan, sa nilusob na POGO sa Bamban, Tarlac at Porac, Pampanga.

Kanyang inilantad ang ilang dokumento na nagpapakitang sangkot si Cunanan, na naunang nasentensiyahan ng 26-taong pagkakakulong sa pagkakasangkot sa Priority Development Assistance Fund (PDAF) scam, na kumatawan bilang “authorized representative” para sa Hong Sheng POGO sa Bamban at Lucky South POGO sa Porac.

“Cunanan figured in one of the largest corruption scandals our country has ever seen. Baka yung ginawa niya sa PDAF ay ina-apply niya rin dito sa mga POGO. Pinapakita din nito na may koneksyon talaga ang Bamban at Porac na POGO. Tila nagsama-sama silang mga scammer,” ayon kay Hontiveros.

“We will invite Mr. Cunanan to the next hearing to clarify his involvement. Basta may POGO, may koneksyon sa scam. Sabi ko nga, lahat ng POGO, masama. There is no differentiation between bad POGO or “good” POGO. It seems that POGOs are deliberately tapping former and present officials they can easily corrupt,” dagdag ng senador.

Iginiit ni Hontiveros, nangunguna sa pagiimbestiga sa pagkakasangkot naman ni Bamban Mayor Alice Guo sa POGO scam operations, na bahagi ng estratehiya ng POGO na impluwensiyahan ang ilang corrupt na public officials upang maipagpatuloy ang kanilang criminal activities sa bansa.

“Kaya hindi matanggal-tanggal ang POGO sa bansa kasi mukhang may mga binayaran na silang mga opisyal. Alam ng POGO na malaking kahinaan ng Pilipinas ang korapsyon kaya sinasamantala nila ito, ayon kay Hontiveros.

“I call on my fellow public servants to join the growing call to ban POGOs now. We must show these POGOs that the Philippines does not have a price. Puksain natin ang korapsyon at palayasin na ang POGO,” paliwanag niya. Ernie Reyes