MANILA, Philippines- Hawak na ng mga pulis ang isang lalaki na nang-hostage ng dalawang babae sa isang gusali sa CM Recto sa Sta. Cruz, Maynila.
Ayon kay Lt.Col John Guiagui, hepe ng MPD- District Intelligence Division (DID), itinawag ang hostage taking pasado alas-3 ng hapon.
Aniya, nag-ugat ang pangho-hostage ng suspek na si alyas Jun na isang fixer, sa umano’y hindi ibinibigay na bayad na porsyento sa kanyang ipinapasok.
Pumasok ito sa RB Printing Press kung saan hinostage ang dalawang babae.
Ayon kay Guiagu, kinausap niya ang suspek at inalam kung ano ang kanyang problema at nang sabihin na inonse siya ng kanyang amo, sinubukan niyang kumbinsihin at bigyan ng halagang P20,000 na kanya namang tinanggap.
Pero bago ito, sinabihan siya ni Guaigui na bitawan muna ang hawak nitong dalawang patalim na kanyang iwinawasiwas.
Nang matangap ang perang alok ni Guiagui, yumakap na umano ito sa kanya at kusang sumama.
Matagumpay ring nailigtas ang mga biktima kung saan natapos ang hostage taking ng alas-4:28 ng hapon.
Samantala, nabanggit din ni Guiagui na may insidente na rin ng pananaksak noong Linggo ang suspek dahil umano sa problema sa kanyang asawa.
Dati na rin itong may kasong robbery at drugs ngunit nakatakas.
Ang suspek ay dinala sa Jose Reyes Memorial Medical Center para sa medical examination. Jocelyn Tabangcura-Domenden