Home NATIONWIDE House panel nag-isyu ng show cause order vs Caramat

House panel nag-isyu ng show cause order vs Caramat

MANILA, Philippines- Nag-isyu ang House committee on human rights nitong Miyerkules ng show cause order laban sa isang Philippine National Police (PNP) official sa pagpalya nitong dumalo sa pagdinig sa extrajudicial killings (EJKs) sa ilalim ng administrasyong Duterte.

Ipinalabas ang show cause order laban kay Police Major General Romeo Caramat Jr., dating pinuno ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at kasalukuyang acting area commander ng Northern Luzon.

“There are still resource persons who are invited. As of today, they are not present… Particularly, the former CIDG Police Major General Romeo Caramat who was present last hearing, now he is not present,” pahayag ni Abang Lingkod Party List Representative Joseph Stephen Paduano na nagsulong ng show cause order.

Ikinadismaya rin ng ilang mambabatas na ilang resource persons, karamihan ay mula sa PNP, ang hindi dumalo sa pagdinig.

Subalit, karamihan sa kanila ang nakapagbigay ng “excuse” o hindi pa nakatatanggap ng imbitasyon.

Mahigit 6,000 indibidwal ang nasawi sa anti-narcotics campaign ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, subalit sinabi ng rights groups na posibleng hanggang 30,000 ang napaslang.

Kasalukuyang iniimbestigahan ng International Criminal Court (ICC) ang drug war ni Duterte. RNT/SA