Home METRO Mag-ama inaresto sa pagkatay, pagbebenta ng karne ng aso sa N. Ecija

Mag-ama inaresto sa pagkatay, pagbebenta ng karne ng aso sa N. Ecija

MANILA, Philippines- Arestado ang isang mag-ama na nagkakatay at nagbebenta ng karne ng aso sa buy-bust operation ng pinagsanib na pwersa ng Animal Kingdom Foundation at Criminal Investigation and Detection Group sa Barangay San Roque, Jaen, Nueva Ecija.

Sa report kay P/Lt. Col Ness T. Vargas, hepe ng CIDG-Nueva Ecija, kinilala ang mga suspek na sina Camilo Tiyugon, 71, at anak niyang si Bongbong, 28, kapwa ng Purok 3, Brgy. San Roque, Jaen, Nueva Ecija.

Base sa imbestigasyon, nakatanggap ng mga report ang AKF sa talamak na bentahan ng karne ng aso sa lugar.

Dahil dito, agad nagsagawa ng surveillance ang mga awtoridad at isinagawa ang operasyon, bandang alas-7:10 kamakalawa ng gabi laban sa mag-ama.

May suot na body camera, naidokumento ng mga pulis ang pagbili ng kinatay na aso mula sa mga suspek.

Aktong kinukuha ng mga suspek ang marked money kaya sila dinamba.

Kasunod nito, hinalughog ang lugar kung saan ngsasagawa ng pagkakatay at pagluluto ng karne ng aso kaya dalawang buhay na aso ang nasagip. Nasamsam din ang isa pang kinatay na aso na nakatakda sanang iluto ng mag-ama.

Sa kabuuan, apat na aso ang nabawi sa operasyon,kabilang ang dalawang buhay na agad dinala sa AKF rescue center sa Capaz, Tarlac para gamutin. Marina Bernardino/ Alvin Magbitang