Home NATIONWIDE Presensya ng Chinese Navy ships sa WPS umiigting – PH Navy

Presensya ng Chinese Navy ships sa WPS umiigting – PH Navy

MANILA, Philippines- Iniulat ng Philippine Navy nitong Miyerkules ang pagdami ng bilang ng People’s Liberation Army Navy (PLAN) vessels ng China sa West Philippine Sea.

Na-monitor ang 11 PLAN vessels mula Mayo 28 hanggang Hunyo 3, kumpara sa limang namataan mula Mayo 21 hanggang Mayo 27, batay sa ipinalabas na datos. 

Sa 11 warships, anim ang nakita sa bisinidad ng Sabina Shoal o Escoda Shoal.

Sa kabuuan, 125 vessels ang na-monitor sa Philippine-occupied features sa West Philippine Sea mula Mayo 28 hanggang Hunyo 3. Kabilang dito ang siyam na China Coast Guard vessels, 11 PLAN vessels, at 105 Chinese maritime militia vessels.

Bahagya itong mas mataas kumpara sa 122 Chinese vessels na namataan sa nakalipas na linggo.

Iginiit ng Philippine Navy nitong Martes na walang karapatan ang China na magsagawa ng military exercise sa exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas.

Ito ay sa pagkumpirma ni Navy spokesperson for the West Philippine Sea Commodore Roy Vincent Trinidad na nagsagawa ang PLAN ng two-day unilateral naval drill sa Escoda Shoal sa West Philippine Sea noong Hunyo 2 at 3.

Sinabi ni Trinidad na kasama sa drills ang paglunsad ng hovercraft ng aircraft n PLAN at pagmamaniobra sa dagat.

“They have no right to be within our EEZ. The conduct of their exercise is unauthorized under UNCLOS. It’s not allowed,” anang opisyal sa mga mamamahayag sa Camp Aguinaldo sa Quezon City.

“I would like to say that their actions are illegal, not within the bounds of international law. The AFP will not be deterred in performing its mandate,” dagdag niya.

Matatagpuan ang Escoda Shoal o Sabina Shoal 75 nautical miles o 120 kilometro mula sa mainland Palawan.

Nagsisilbi itong “rendezvous point” para sa chartered resupply boats ng Armed Forces of the Philippines at escort vessels ng mga ito mula sa Philippine Coast Guard sa regular rotation and resupply (RoRe) missions sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal. RNT/SA