Home METRO Hubo’t hubad na babaeng Vietnamese nagpakalat-kalat sa NAIA

Hubo’t hubad na babaeng Vietnamese nagpakalat-kalat sa NAIA

MANILA, Philippines – Nagpakalat-kalat ang isang hubo’t hubad na babaeng Vietnamese sa departure area ng Ninoy Aquino International Airport Terminal 3 noong nakaraang Sabado, Hunyo 8.

Ayon sa isang airport staff, ang naturang dayuhan ay na-offload mula sa kanyang flight patungong Ho Chi Minh City.

“…Na-offload ata. Then dumiretso sa toilet, public toilet sa departure, sa CR ng babae. Then, lumabas siya roon, naghubad. Hindi namin alam kung ano’ng dahilan,” pagbabahagi ni APO1 Michael Ronald de Guzman, NAIA Terminal 3 airport police.

Sa kabila nito, hindi naman nanggulo o nanakit ang naturang dayuhan.

Agad na binigyan ng airport personnel ng mga damit, tubig, at wheelchair ang babaeng Vietnamese. Pinakalma rin ng medical team ng paliparan ang babae.

“She’s about 34 years old…she appeared a little irritable because una, hindi siya marunong mag-communicate ng Tagalog. And she doesn’t speak well doon din ‘yung English…So we were communicating with her through Google Translate. Okay naman din siya…After some time, binihisan naman agad,” ayon kay Manuel Sequitin, Manila International Airport Authority (MIAA) Assistant General Manager for Security and Emergency Services.

Nang bumuti na ang lagay nito ay pinayagan nang makalipad pabalik ng Vietnam ang naturang babae.

Wala pang tugon ang Bureau of Immigration kaugnay nito. RNT/JGC