Home METRO Huling batch ng abandonadong balikbayan boxes, sinimulan nang ihatid ng gobyerno

Huling batch ng abandonadong balikbayan boxes, sinimulan nang ihatid ng gobyerno

193
0

MANILA, Philippines — Sinimulan na ng Department of Finance (DOF) at Bureau of Customs (BOC) ang pamamahagi ng unang batch ng huling bugso ng mga naabandonang balikbayan boxes para sa mga OFW.

Ayon sa DOF, aprubado ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang pondo upang matiyak na makarating na sa tunay na may-ari ang mga matagal nang naipit na padala.

Personal na pinangunahan nina DOF Secretary Frederick Go at BOC Commissioner Ariel F. Nepomuceno ang turnover nitong Pebrero 18 sa BOC Grounds sa Port Area, Maynila. May 28 OFW at kanilang mga pamilya ang tumanggap ng kanilang matagal nang hinihintay na kahon.

Nabatid sa BOC na sa unang wave na nagsimula noong Disyembre 18, 2025, nasa 68 container vans ang nailabas sa pantalan na may katumbas na 20,944 balikbayan boxes, kung saan 14,305 kahon na ang naihatid door-to-door.

Sa huling bugso naman, nasa 72 container vans ang target na ilabas na tinatayang 24,536 kahon ang laman, kung saan 14 containers na ang nailabas mula sa Manila International Container Port at 58 containers pa ang inaayos ang clearance at bayarin.

Kapag kumpleto na ang papeles, agad itong ihahatid sa mga benepisyaryo.

Kasabay ng distribusyon, tinutulungan ng DOF at BOC ang mga apektadong OFW na magsampa ng reklamo sa National Bureau of Investigation laban sa mga freight forwarder na pumalpak o nanloko.

Ayon kay Nepomuceno, hindi lamang ito simpleng pamimigay ng kahon.

“Hindi lang ito tungkol sa kahon. Ito ay pagbabalik ng tiwala at proteksyon sa ating mga OFW,” giit niya.

Pinayuhan ng DOF at BOC ang mga OFW na makipagtransaksyon lamang sa lisensyado at lehitimong forwarder, itago ang resibo, tracking number, at shipping documents, at iwasan ang sobrang murang singil na posibleng modus.

Dagdag pa ng BOC, ang mga may problema sa padala ay agad na makipag-ugnayan sa kinauukulang ahensya ng gobyerno upang maagapan ang pinsala.

Sa huling bugso ng distribusyon, tiniyak ng gobyerno na walang balikbayan box ang maiiwan — at walang OFW ang mapapabayaan. JR Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here