HANDANG ipagtanggol ng Lawyers for Commuters Safety and Protection na kinabibilangan ng inyong lingkod at ni Atty Noel Valero ang pulis na kaagad hinatulan bagaman hindi pa lubusang iniimbestigahan kaugnay ng viral na insidente ng umano’y “pagtulak” sa isang rider.
Sa panahon ngayon, tila sapat na ang ilang segundong video upang wasakin ang pangalan at pagkatao ng isang mamamayan kahit hindi pa nalalaman ang buong konteksto ng pangyayari.
Ayon sa kampo ng depensa, hawak nila ang kumpletong video ng insidente na malinaw umanong nagpakikita na ang pulis ay paulit ulit na pinukaw at hindi inirespeto ng rider habang pilit namang iniiwasan nitong alagad ng batas ang anomang komprontasyon.
Kung ito ay totoo, malaking bahagi ng katotohanan ang hindi nakita ng publiko sa mga unang lumabas na video online.
Nakababahala na sa halip na pairalin ang patas na imbestigasyon, tila mas nauuna ngayon ang “trial by social media.” Kapag may viral na eksena, agad may hatol. Kapag naka-uniporme ang nasangkot, mabilis itong bansagang abusado kahit wala pang kumpletong ebidensya. Ang masaklap, may ilang opisyal pa ng pamahalaan ang tila agad naniwala sa isang panig nang hindi hinihintay ang buong ulat at kabuuang video ng insidente.
Hindi maikaiila na may mga iilang mamamayan na marunong gumamit ng kamera upang palabasing sila ang agrabyado. Kapag nakuha ang simpatiya ng publiko, tila nagiging awtomatikong kontrabida ang pulis. Ngunit dapat tandaan na ang mga alagad ng batas ay tao ring napapagod, napo-provoke, at araw-araw humaharap sa matitinding sitwasyon habang ginagampanan ang kanilang tungkulin.
Hindi nangangahulugan na dapat palampasin kung may pagkakamali ang isang pulis. Subalit hindi rin makatarungan na agad siyang husgahan at patawan ng mabigat na kaso batay lamang sa putol-putol na video at emosyon ng publiko.
Ang hustisya ay hindi dapat nakasalalay sa dami ng views, shares, at galit sa social media. Ang tunay na hustisya ay nakabatay sa buong katotohanan, kumpletong ebidensya, at patas na pagdinig sa magkabilang panig.






