HINDI maiiwasang magtanong ang sambayanang Pilipino matapos ang mga naganap kamakailan sa Senado. Marami ang nakaramdam na tila isang palabas, isang maingat na isinagawang gimmick at diversionary tactics ang buong eksena upang ilihis ang atensyon ng publiko at maprotektahan ang isang personalidad na nahaharap sa mabibigat na usapin.
Kasabay ng tensyon at kaguluhan ay kapansin pansin din ang sabay sabay na pag Facebook Live ng ilang personalidad habang nagaganap ang insidente. Para bang mas mahalaga pa ang eksena kaysa seguridad ng mga tao sa paligid. Nakapagtataka rin kung bakit matapos ang lahat ng kaguluhan ay nakayanan pa nilang magpakuha ng mga larawan na tila walang mabigat na nangyari.
Mas lalong umugong ang duda ng publiko nang napansing wala na sa mga larawan si Senator Ronald “Bato” dela Rosa. Kaya natural lamang na itanong ng mamamayan kung nasaan na nga ba siya matapos ang naturang insidente. Kung tunay na walang itinatago at walang pinagtatakpan, bakit tila maraming bagay ang hindi malinaw hanggang ngayon?
Masakit isipin na ang mga halal na opisyal na inaasahang magiging ehemplo ng pagsunod sa batas ay sila pang napagbibintangang nagagamit upang pagtakpan ang isang taong iniuugnay sa kasong crimes against humanity sa International Criminal Court. Hindi man pare-pareho ang pananaw ng mga Pilipino tungkol dito, malinaw na marami ang naghahanap ng katotohanan at pananagutan.
Tahimik man ang marami, marunong tayong magsuri at magbasa ng sitwasyon. Kapag may mga pangyayaring tila masyadong organisado, masyadong dramatiko, at tila may layuning ilihis ang atensyon ng publiko, natural lamang na magkaroon ng pagdududa.
Lalong tumindi ang usapin dahil sa parehong gabi ay nai-transmit din sa Senado ang articles of impeachment laban kay Vice President Sara Duterte. Habang dinadala ang mga dokumento ay saka naman sumiklab ang tensyon at putukan na agad naging sentro ng balita. Para sa marami, hindi maiiwasang isipin kung ito ba ay simpleng pagkakataon lamang o sinadyang pangyayari upang matabunan ang isang napakahalagang usaping pambansa.
Madaling gumawa ng eksena at drama upang makuha ang simpatiya ng publiko. Ngunit ang tunay na lider ay handang harapin ang mga akusasyon, sumagot sa mga tanong, at magpaliwanag nang tapat sa taumbayan. Ang edukadong Pilipino ay hindi dapat manatiling tagapanood lamang. Nararapat tayong maging mapanuri, mapagtanong, at handang manindigan para sa tama, katotohanan, at katarungan.
Hindi ipinaglaban ng ating mga bayani ang kalayaan upang masaksihan lamang natin ngayon ang pagbaluktot sa batas, pagtakip sa katotohanan, at paghahari ng pulitika sa halip na pananagutan. Kapag patuloy na nawawala ang tiwala ng mamamayan sa mga institusyon ng pamahalaan, hindi malayong muling sumiklab ang malawakang pagkilos ng taumbayan upang ipaglaban ang tunay na hustisya at maayos na pamahalaan para sa susunod na henerasyon.






