Home OPINION SENTRO NG PAGKALINGA: 130 SENIOR CITIZEN CENTER, ITATAYO SA CENTRAL LUZON

SENTRO NG PAGKALINGA: 130 SENIOR CITIZEN CENTER, ITATAYO SA CENTRAL LUZON

53
0

SAN FERNANDO CITY, PAMPANGA — Personal na nagtungo ang inyong Agarang Serbisyo Lady sa lungsod na ito nitong nakaraang May 15, 2026, upang makapanayam si Regional Director Emmanuel Daez, CESO IV, ng National Commission for Senior Citizens (NCSC) Central Luzon. Isang makabuluhang talakayan ang naganap ukol sa kasalukuyang kalagayan ng mga nakatatanda sa rehiyon, gayundin sa mga programang isinusulong ng komisyon upang mas mapalawak ang kanilang proteksyon, benepisyo, at dignidad sa lipunan.

Isang mas inklusibo at mapagkalingang kinabukasan ang naghihintay sa mga lolo at lola sa Central Luzon (Region III). Ang kabuuang saklaw ng rehiyon ay binubuo ng mga lalawigan ng Aurora, Bataan, Bulacan, Pampanga, Tarlac, Nueva Ecija, at Zam­bales, kasama ang mga pa­ngunahing lungsod ng Angeles, San Fernando, at Olongapo. Sa kasalukuyan, nasa mahigit-kumu­lang 1.8 milyong senior ci­tizens ang naninirahan sa rehiyon. Ayon kay RD Daez, ang ga­nitong kalawak na heograpiya ay nangangahulugan din ng mas malaking hamon sa pag-abot at pagbibigay ng serbisyo sa mga nakatatanda.

Aniya, pangunahing layunin ng kanilang tanggapan ay matiyak na walang senior citizen ang maiiwan, kahit pa sila ay nasa malalayong bayan o mga liblib na barangay.

Sa kabuuan ng panayam, kapansin-pansin ang seryosong pananagutan ng komisyon sa pagtiyak na ang bawat nakatatanda ay nabibigyan ng tamang impormasyon at nararapat na mga be­nepisyo.

Isa sa mga pangunahing detalyeng ibinahagi ni RD Daez ay ang plano ng NCSC Central Luzon na makapagtatag ng Senior Citizen Centers sa 115 bayan at 15 lungsod sa buong rehiyon o may kabuuang 130 sentro. Sa ka­salukuyan, halos nasa kalahati na ng mga lokalidad na ito ang may mga naitatayong gusali, su­balit kinakailangan pa ng mga ka­ukulang pagsasanay para sa mga tauhan at mga karagdagang kagamitan.

Nilinaw ni RD Daez na ang proyektong ito ay hindi lamang simpleng estruktura. Ito ay isang sentrong magbibigay ng espas­yo para sa kalusugan, mga sos­yal na aktibidad, at direktang ak­ses sa mga serbisyo ng pamahalaan tulad ng mga regular na check-up.

Ipinaliwanag niya na mara­ming senior citizens ang walang permanenteng lugar kung saan maaari silang magsama-sama, makipag-ugnayan, at makakuha ng tamang impormasyon ukol sa kanilang mga benepisyo. Pagbibigay-diin niya, kapag may opisyal na Senior Citizen Center sa bawat lokalidad, na­giging mas madali at mabilis ang paghahatid ng serbisyo, at hin­di na kailangan pang bumiyahe nang malayo ng ating mga Lolo at Lola.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here