Home NATIONWIDE Hustisya nananatiling prayoridad sa gitna ng pagrepaso sa ICC developments- Malakanyang

Hustisya nananatiling prayoridad sa gitna ng pagrepaso sa ICC developments- Malakanyang

1
0

MANILA, Philippines – SINABI ng Malakanyang na nananatiling prayoridad pa rin ng gobyerno ang hustisya sa gitna ng pagrepaso sa posibleng implikasyon ng kamakailan lamang na developments na kinasasangkutan ng International Criminal Court (ICC).

Ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na ina-assess mabuti ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang posibleng epekto ng posisyon ng Estados Unidos sa ICC at unang ibi-brief si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. bago pa i-adopt ng gobyerno ang isang opisyal na paninindigan.

Sa kabila ng nagpapatuloy na pagrerebisa, sinabi ni Castro na nananatiling committed ang pamahalaan na makahanap ng katarungan para sa mga pinoy na di umano’y pinatay dahil sa anti-illegal drug campaign ng nakaraang administrasyon habang tinitiyak ang ‘due process’ at pagiging patas para sa mga nahaharap naman sa akusasyon.

“Since mayroon po kasing pinu-pursue patungkol sa justice para sa atin din mga kababayan na diumano ay naging biktima ng karumal-dumal na pagpatay, hindi ito basta-basta mapapabayaan ng ating gobyerno,” ayon kay Castro.

“Pero still hindi po tayo mangunguna kung ano po ang magiging pronouncement ng Pangulo patungkol dito dahil ang buhay ng bawat tao, ang hustisya para sa atin ay mahalaga,” ayon pa rin kay Castro.

Sa ulat, naglunsad ang administrasyon ni U.S. President Donald Trump ng isang kampanya upang ihiwalay at buwagin ang International Criminal Court (ICC) dahil sa itinuturing nitong banta sa soberanya ng Estados Unidos.

Ayon sa ulat, ipinahayag ni US Secretary of State Marco Rubio na tahasang tinatanggihan ng Estados Unidos ang kapangyarihan ng ICC na mag-imbestiga o umusig sa mga mamamayan at sa mga opisyal ng bansa.

Aniya, inisyal na layunin ng ICC na usigin lamang ang mga matitinding paglabag subalit naging mas radikal at sukdulan umano ito, sabay giit na hindi papahintulutan ng Trump administration ang korte na pagbantaan ang mga opisyal ng Amerika.

Maging sina US President Donald Trump at iba pa tulad ni dating Pangulong George W. Bush, matagal nang sinasabi na walang otoridad ang ICC na mag-imbestiga at usigin ang Americans partikular na ang mga miyembro ng militar.

Ayon sa State Department official, na hiniling na hindi na pangalanan, ilan sa mga ikinokonsiderang opsiyon para itarget ang ICC ay ang pagpapatupad ng travel bans, rebokasyon ng visa, pagpapaigting pa ng sanctions laban sa ICC at kanilang affiliated organizations at diplomatic pressure sa ibang bansa para kumalas mula sa international tribunal.

Samantala, sinabi naman ni ICC spokesperson Oriane Maillet na hindi magkokomento sa ngayon

At nang tanungin naman si Castro kung makikipagtulungan ang gobyerno sa ICC ukol sa drug war-related cases kung magpapatuloy sa kabila ng pagrerepaso, sinabi ni Castro na “wala pang desisyon hinggil dito.”

Aniya, ang anumang dersisyon na gagawin ng Pangulo hinggil sa usaping ito ay gagabayan sa pamamagitan ng paghahanap ng katarungan hindi lamang para sa di umano’y biktima kundi maging sa mga ‘respondents, defendants, o accused individuals.’

“The government is also studying the possible implications of the US position on the ICC, including its potential effects on the implementation of Philippine laws,” anito pa rin.

At nang tanungin kung sususportahan ng Pilipinas ang posisyon ng Amerika o mas pipiliin na manatiling neutral, sinabi ni Castro na hihintayin ng Malakanyang ang sasabihin ng Pangulo.

Samantala, sinabi pa ni Castro na wala pang update kung sasali o sasamang muli ang Pilipinas sa ICC, ang usapin aniya ay nananatiling nirerepasong mabuti. KRIS JOSE

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here