
HINDI biro ang pagtatrabaho sa isang confined space. Isa itong lugar na may limitadong pasukan at labasan, madilim, masikip at hindi nakadisenyo para sa human occupancy. Pinakamalaking panganib nito ang kawalan ng oxygen, pagkakaroon ng toxic gas o kaya naman ay flammable atmosphere.
Ilan sa mga ito marahil ang dahilan kung bakit nasawi ang tatlong minero habang dalawa naman ang na-rescue kamakailan sa tunnel na sakop ng isang mining compound sa Nueva Vizcaya.
Unang napabalita na lima ang nasawi kaya naman ating isinagawa ang pagberipika at napag-alaman mula sa DWRV Radio Veritas na nakabase sa Bayombong, Nueva Vizcaya ang pagsagip sa dalawa. Ang masaklap, lumalabas sa imbestigasyon na diumano ay iligal o hindi awtorisado ang isinagawang aktibidades ng lima na na-trapped sa lalim na mahigit 300 metrong tunnel.
Ayon pa sa ulat, nadiskubre ang mga walang malay na minero ng isang local resident na nagreport sa awtoridad kaya isinagawa ang agarang rescue operation. Mabuti naman at walang nangyaring masama sa taong nakadiskubre at sana naman ay gayundin sa rescue team na nagsusumikap sa patuloy na pag-recover sa mga labi ng tatlong biktima. Maaari kasing makaranas ng suffocation ang sinomang entrant ng confined space dahil sa kakulangan ng oxygen at presensya ng mataas na level ng methane gas lalo na kung wala silang rescue plan at kung hindi nakasuot ng angkop at pangunahing personal protective equipment tulad ng self-contained breathing apparatus. Posible ding mangyari ang pagkalason dahil sa pagkalanghap ng iba pang gas tulad ng nakamamatay na hydrogen sulfide.
Ayon pa sa ating source, nakaligtas na sa tiyak na kamatayan ang unang survivor habang nilalapatan pa ng solusyong medikal ang pangalawa dahil sa dinadanas nitong panghihina.
Maliban sa environmental protection compliance, kabilang ang occupational safety and health o OSH sa mga requirement bago magbigay ng permiso sa pagmimina ang mga awtoridad.
Naiintindihan natin ang pangangailangang pangkabuhayan ng ating mga kababayang minero pero napakahalaga pa ring gawing legal at sundin ang umiiral na mining policies upang magarantiya ang labor protection at maiwasan ang mga ganitong aberya.
Iniaalay natin ang dalangin para sa mga kaluluwa ng mga nasawi gayundin ang pagpapahatid ng taos-pusong pakikiramay para sa mga naiwang pamilya.