Home OPINION ANG ‘CEASEFIRE’ NI DONALD TRUMP, BOW!

ANG ‘CEASEFIRE’ NI DONALD TRUMP, BOW!

AYON kay Prof. John Mearsheimer, respetadong ekonomista at ‘book author,’ “tanga” (‘fools’) na lang ang maniniwala pa sa ‘Tadong Unidos matapos patraydor nitong atakihin ang Iran noong Hunyo 22—araw na sinalakay ni Hitler ang Unyong Sobyet noong 1941— kasunod nang pag-atake ng Israel sa Iran noong Hunyo 13.

Sa mga bagong impormasyon, Marso pa lang, may “plano” na ang Amerika at Israel na giyerahin ang Iran. Ang ikinakasang atake ay sa kabila ng ‘diplomatic talks’ ng Iran at ‘Tadong Unidos hinggil sa ‘nuclear program’ ng Iran.

Aber, sino pa ngayon ang nagtitiwala kay Donald Trump na habang panay ang ngawa hinggil sa “kapayapaan” ay nagpaplano palang sumabak din sa giyera katulad ng mga pinalitan niyang presidente ng Amerika?

Sa ganitong mga kausap, ang “paalala” sa atin ni Gat. Francisco Balagtas ay ito: “Kung ang isalubong sa iyo ay masayang mukha at may pakitang giliw, lalong pakaingatan sapagkat kaaway na lihim.”

Matapos atakihin ang Iran, nabisto na palihim na kinontak ng Amerika ang China upang “makiusap” sa Iran na huwag isara ang ‘Strait of Hormuz’ na lagusan ng may 20 porsyento ng langis sa buong mundo na ang pagsasara ay isang “delubyo” sa ating lahat.

Hindi ba katawa-tawa na ang China, isang bansang pinaghahandaan ng ‘Tadong Unidos na giyerahin gamit ang mga “tuta” nito na Japan, Australia, South Korea at ‘Pinas ang nilapitan ni Uncle Sam upang “gumitna” sa Iran?

Iilan na lang din ang naniniwala sa palusot ni Trump na ang ‘ceasefire’ niya sa Israel at Iran ay dahil gusto niya talaga ng kapayapaan.

Ang totoo kasi, “sinagip” ni Trump ang Israel sa napipintong “pagkagunaw” nito dahil sa walang tigil na ‘missile strikes’ ng Iran.

Sinasabing kung aabutin ng kahit 6-buwan pa ang bombahan ng Israel at Iran, wala nang matitirang nakatayong gusali sa Israel.

Kumbaga, dinaranas nila ngayon ang ipinaranas nila sa mga Palestino sa Gaza at Lebanon sa nakaraang dalawang taon. Mabuti nga!