MANILA, Philippines — Binatikos ng August Twenty One Movement (ATOM) ang desisyon ng Supreme Court na baligtarin ang graft conviction laban kay dating First Lady Imelda Marcos, na tinawag nitong dagok sa katarungan at pananagutan.
“Today was a disappointing day for justice and common decency. We saw what you did today,” pahayag ng grupo nitong Miyerkoles.
Inihambing ng ATOM ang desisyon sa pagsasampa ng kasong plunder laban kay dating House Speaker Martin Romualdez dalawang araw bago nito. Inilarawan ng grupo ang naturang kaso bilang “flicker of hope” para sa pananagutan na umano’y agad pinawi ng acquittal kay Marcos.
Inakusahan din ng grupo ang mga pamilyang Marcos at Romualdez na patuloy na nakikinabang sa kanilang impluwensiyang pampolitika at nangakong ipagpapatuloy ang kampanya para sa historical truth at justice.
Sa desisyong may petsang Hunyo 10 ngunit inilabas lamang noong Setyembre 9, binaligtad ng First Division ng Supreme Court ang hatol ng Sandiganbayan noong Nobyembre 2018 na nagdeklarang guilty si Marcos sa pitong bilang ng graft.
Ayon sa Korte Suprema, nabigo ang prosekusyon na patunayan ang pagkakasala ni Marcos beyond reasonable doubt.
Natukoy ng hukuman na hindi maituturing na katanggap-tanggap at sapat na ebidensiya ang mga testimonya at dokumentong iniharap ng prosekusyon. Hindi umano wastong na-authenticate ang mga dokumentong mula Switzerland at walang kapani-paniwalang testigong nagpatunay sa pagiging tunay at wastong pagkakagawa ng mga ito.
Kaugnay ang kaso sa umano’y interes at pakikilahok ni Marcos sa pamamahala ng ilang foundation sa Switzerland mula 1978 hanggang 1984 habang humahawak siya ng mga posisyon sa pamahalaan. Dave Medina