Home HOME BANNER STORY Ibinasurang kaso vs parak sa missing beauty queen case, iaapela ng PNP

Ibinasurang kaso vs parak sa missing beauty queen case, iaapela ng PNP

MANILA, Philippines – Sinabi ng Philippine National Police (PNP) na iaapela nito ang pagbasura sa mga reklamong kidnapping at illegal detention laban sa isang dating pulis at driver nito na umano’y isinasangkot sa pagkawala ng beauty queen na si Catherine Camilon.

Sa press briefing na ginanap sa Camp Crame, sinabi ni PNP spokesperson Col. Jean Fajardo na maghahain ang Special Investigation Task Group (SITG) Camilon ng motion for reconsideration sa inihaing reklamo sa Batangas Provincial Prosecutor’s Office laban sa dinismiss na pulis na si Maj. Allan de Castro, Jeffrey Magpantay at dalawang John Does.

“Uubosin nila ang lahat ng legal na remedyo na magagamit natin para posibleng maghain ng motion for reconsideration at/o petition for review sa Department of Justice (DOJ) dahil naniniwala silang iniharap nila ang lahat ng kinakailangang ebidensya para patunayan ang koneksyon ni De Castro at Magpantay sa patuloy na pagkawala ni Camilon noong Oct.12, 2023,” ayon pa kay Fajardo.

Nauna rito sa isang resolusyon noong Abril 16, ibinasura ni DOJ Calabarzon officer-in-charge regional prosecutor Josef Albert Comilang ang mga reklamo dahil sa kawalan ng ebidensya.

Iniutos din niya ang pagpapalaya kay Magpantay mula sa pagkakakulong “maliban kung siya ay hinahawakan para sa ibang legal na dahilan.”

Samantala, ikinalungkot naman ng ina ni Catherine na si Rose ang resolusyon ng DOJ, ngunit hindi umano siya nawawalan ng pag-asa.

“I cannot believe that my daughter is dead unless I see her. I cannot, in my heart, accept it. I am hopeful, kahit gaano kasakit,” ayon pa dito sa phone interview, at idinagdag na ang kanilang pamilya ay nagpapasalamat sa PNP sa pagsisikap nitong mahanap si Catherine.

Magugunitang si Camilon, isang guro sa bayan ng Tuy, ay huling nakitang buhay noong Oktubre ng nakaraang taon sa isang mall sa kalapit na Lemery.

Huling nakipag-ugnayan si Camilon sa kanyang pamilya nang tumawag siya para sabihing nasa Bauan siya at pupunta sa isang pulong sa Batangas City. Santi Celario