Home NATIONWIDE P86M droga nasabat sa Metro Manila sa 48 oras

P86M droga nasabat sa Metro Manila sa 48 oras

MANILA, Philippines – AABOT sa P85.8 milyong halaga ng iligal na droga ang nakumpiska ng mga pulis sa Metro Manila sa dalawang araw na operasyon na isinagawa ng mga otoridad sinabi ni National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Maj. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. nitong Biyernes.

Sa pinakahuling datos, sinabi ni Nartatez na katumbas ito ng 12.6 kg. ng shabu at 165 gramo ng marijuana, na may tinatayang street value na PHP85,882,256, at nakumpiska sa 31 operasyon mula Mayo 16 hanggang 17.

Ayon pa sa NCRPO ang mga kontrabando ay nakuha mula sa 51 na naarestong mga suspek, dagdag pa niya.

Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 9165, ang Comprehensive Dangerous Drugs Act.

Ang limang distritong sakop ng NCRPO ay kinabibilangan ng Manila Police District (MPD), Quezon City Police District (QCPD), Northern Police District (NPD), Southern Police District (SPD), at Eastern Police District (EPD).

Sa kanyang talumpati sa pagbubukas ng 33rd Session ng UN Commission on Crime Prevention and Criminal Justice (CCPCJ33) sa Vienna, Austria noong Mayo 13, sinabi ni Interior Secretary Benjamin Abalos Jr. na ipinatupad na ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang iba’t ibang mga hakbang upang labanan ang mga krimen, tulad ng pagsusumikap sa pagbawas ng suplay sa digmaan laban sa droga ng bansa.

Sinabi ni Abalos na humigit-kumulang USD587 milyong halaga ng iligal na droga ang nasamsam sa unang dalawang taon ng administrasyon, na “700 porsiyentong pagtaas mula sa mga nakaraang taon at may kaunting pagkawala ng buhay.”

Samantala, kaugnay nito sinabi ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) noong Biyernes na 28,662 sa 42,000 barangay (villages) sa buong bansa ang idineklarang “drug-cleared” habang ang mga awtoridad ay nililimas pa rin ang 6,853 iba pa noong Abril 30.

Ayon pa sa PDEA ang mga barangay na ito ay umabot na sa drug-cleared status matapos ang pagpapalabas ng sertipikasyon ng mga miyembro ng oversight committee sa barangay drug-clearing program, sinabi ng ahensya sa isang advisory.

Sa pagbanggit sa pinakahuling numero nito sa kampanya laban sa droga ng gobyerno, sinabi ng PDEA na 6,178 drug high-value targets (HVTs) sa buong bansa ang naaresto mula nang magsimula ang administrasyong Marcos.

Kaugnay nito inaresto rin ng mga awtoridad ang 92,901 indibidwal na sangkot sa iligal na droga sa 68,296 na operasyon at binaklas ang kabuuang 981 drug den at isang laboratoryo ng shabu sa parehong panahon.

May kabuuang PHP43.03 bilyon na halaga ng iligal na droga ang nasamsam, kabilang ang 5,697.84 kg. ng shabu, 77.81 kg. ng cocaine, 55,088 piraso ng ecstasy tablets, at 3,907.17 kg. ng marijuana. Santi Celario