MANILA, Philippines- Nagsumite ang Office of the Prosecutor ng International Criminal Court (ICC) ng ika-anim na communication of evidence disclosure sa kaso laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Bahagi ang pagsusumite noong June 3 ng pre-trial proceedings para sa umano’y crime against humanity na murder sa war on drugs ng Duterte administration.
Mula sa disclosure of evidence noong April 30, nakapagsumite na ang prosekusyon ng hindi bababa sa 267 items at dalawang beses humiling ng requested extension sa time limits, na kapwa iginawad ng ICC.
Nilalayon ng nasabing extensions na payagan ang prosekusyon na makapag-apply ng standard redactions sa ilang materyal upang protektahan ang pagkakakilanlan ng mga testigo at tiyakin ang kanilang kaligtasan.
Magiging bahagi lahat ng materyal na isinumite sa disclosure ng ebidensyang nilalayong gamitin ng prosekusyon sa darating na confirmation of charges hearing na nakatakda sa September 23, 2025.
Tutukuyin sa hearing kung may sapat na ebidensya upang magsagawa ng paglilitis. Sakaling makumpirma ang mga kaso, haharap si Duterte sa full trial sa ICC, sa itinuturing na landmark case ng international community.
Naaresto si Duterte noong March 11, 2025 pagdating niya sa Pilipinas galing Hong Kong. Agad siyang inilipat sa The Hague, The Netherlands at idinitine sa ICC detention facility sa Scheveningen. RNT/SA