MANILA, Philippines- Malaki ang paniniwala ni Senate Deputy Majority Leader JV Ejercito na dapat simulan kaagad ang impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte sa kabila ng pagtatangka ng ilang kasamahang ibasura ang kaso sanhi ng kawalan ng panahon sa 19th Congress.
Base sa timeline na inilatag ni Senate President Francis “Chiz” Escudero, magsisimula ang paglilitis sa 19th Congress na magkakaroon ng pagpapatuloy ng trial proper sa 20th Congress, na magsisimula sa July.
“The Senate is duty bound to convene the impeachment court according to the Constitution,” ayon kay Ejercito.
Binanggit din niya na kapwa legal at mas politikal ang proseso.
Nilinaw ni Ejercito na kahit simulan ang paglilitis, hindi ibig sabihin nito ay conviction pero tungkulin lamang ito ng Senado.
“Di ba that will give the accused also the chance to clear his or her name,” aniya.
Umaasa si Ejercito na madali lang magtatapos ang paglilitis at anuman ang hatol, umaasa itong makababalik ang lahat sa normal sa lalong madaling panahon.
Binanggit ni Ejercito na pinagtibay ng Kamara ang articles of impeachment laban kay Duterte sa huling araw ng sesyon at maaaring simulan ng Senado ang proseso kung hindi nagsimula ang impeachment sa kapos na panahon.
“They had all the time since December sana pinasa nila kaagad so that we would have the time,” aniya na tumutukoy sa unang impeachment complaints na isinumite ng civil society at activist groups.
Nitong Pebrero, pinagtibay ng Kamara ang ika-apat na complaint na nilagdaang ng mayorya ng miyembro.
Aniya, dapat magdesisyon ang senador sa 20th Congress kung itutuloy ang impeachment trial laban kay Duterte. Ernie Reyes