MANILA, Philippines- Nananatiling matibay at malakas ang katayuan ni Senator Christopher “Bong” Go sa hanay ng mga contender sa 2025 senatorial race matapos siyang mailagay sa ika-3 hanggang ika-4 sa pinakahuling survey ng Social Weather Stations (SWS) na inilabas noong Enero 28.
Lubos na pinasalamatan ni Senator Go ang sambayanang Pilipino sa patuloy na pagtitiwala at suporta sa kanya kaya naman nangako siyang patuloy ding itutuon ang sarili sa pagtupad sa kanyang mandato na paglingkuran ang taongbayan sa abot ng kanyang makakaya.
“Para sa akin, ang pinakamahalaga ay mapaglingkuran ko nang tapat ang ating mga kababayan. Ang inyong tiwala at suporta ay nagbibigay sa akin ng inspirasyon na ipagpatuloy ang aking serbisyo sa abot ng aking makakaya,” sabi ni Senator Go.
“Hindi ako pulitiko na nangangako. Gagawin ko lang ang trabaho ko para sa mga Pilipino. Isa sa maiaalay ko ay ang aking kasipagan dahil bisyo ko na ang magserbisyo,” idinagdag niya.
Bilang tagapangulo ng Senate committee on health and demography, patuloy na isinusulong ni Senator Go ang batas na nagpapahusay sa pag-access sa healthcare services, partikular para sa mga maralita.
Siya ang pangunahing may-akda at sponsor ng Republic Act No. 11463, o ang Malasakit Centers Act of 2019, na nag-institutionalize sa Malasakit Centers sa buong bansa.
Sa kasalukuyan, 166 Malasakit Centers ang gumagana sa buong bansa at nakatulong na sa mahigit 15 milyong Pilipino, ayon sa datos ng Department of Health.
Itinulak din ni Senador Go ang pagtatayo ng maraming Super Health Center sa buong bansa. Nagbibigay ito ng mga pangunahing pangangalagang pangkalusugan, konsultasyon at serbisyo sa maagang pagtuklas ng mga sakit sa mga komunidad.
Pangunahing sponsor at isa rin si Go sa mga may-akda ng Republic Act No. 11959, o ang Regional Specialty Centers Act, na nagbibigay ng espesyal na pangangalagang medikal sa pamamagitan ng pagtatayo ng mga specialty center sa bawat regional hospital na nasa ilalim ng DOH.
Kamakailan, itinaguyod din ni Senador Go ang mga reporma sa PhilHealth sa pamamagitan ng pagsusulong ng expanded benefit packages sa top ten mortality diseases; increase sa case rates nang hanggang 50% across-the-board; expansion ng benefit packages, gaya ng dental benefits, preventive at emergency care, outpatient drug benefits, mental health benefit, optometric services, pag-aalis sa anti-poor policies gaya ng 24-hour confinement rule at single period of confinement policy at marami pa.
Nananawagan din si Go para sa paglikha ng isang Center for Disease Control and Prevention at ang pagtatatag ng isang Virology Science and Technology Institute, gayundin ang pagtiyak sa kapakanan ng healthcare workers.
Muli ring pinagtibay ni Go ang kanyang pangako sa pagpapalakas ng agrikultura, trabaho, pabahay, edukasyon, kabataan at palakasan. RNT