MANILA, Philippines – Inanunsyo ng Bureau of Customs (BOC) nitong Sabado, Nobyembre 29 ang ikalawang round ng public auction para sa mga luxury vehicle na nasamsam mula sa mag-asawang contractor na sina Pacifico at Cezarah Discaya.
Sa social media post, sinabi ng BOC na ang public auction ay gaganapin sa Disyembre 5 sa pamamagitan ng sealed bidding ng high-end vehicles simula alas-10 ng umaga sa BOC main office sa Port Area, Manila.
Isasailalim sa auction ang tig-iisang unit ng 2022 Toyota Tundra, 2023 Toyota Sequoia, 2023 Rolls-Royce Cullinan at 2022 Bentley Bentayga.
Ang apat na sasakyan ay may combined value na P17.3 milyon.
Bukas din ang public viewing para sa mga qualified bidder sa Disyembre 2 at 3.
Pangangasiwaan ng Auction at Cargo Disposal Division ng Port of Manila ang aktibidad.
Maaaring i-access ng mga interesadong bidder ang link ng customs.gov.ph/notice-of-public-auction-port-of-manila-05-december-2025/ para sa kumpletong detalye ng auction.
Matatandaan na noong Nobyembre 20 ay kumita ang pamahalaan ng P38,211,710 mula sa naibentang tatlong luxury vehicles na nakumpiska rin mula sa mag-asawang Discaya.
Binili ng Simplex Industrial ang 2019 Mercedes-Benz G500 Brabus sa halagang P15,500,000 at 2022 Mercedes-Benz G63 AMG sa P15,611,710; habang nabili ng Lestrell Jewelries ang 2022 Lincoln Navigator sa halagang P7,100,000. RNT/JGC