MANILA, Philippines — Kinumpirma ng Baguio City ang ikalawang kaso ng mpox (dating Monkeypox), higit isang linggo matapos gumaling ang unang kaso, ayon sa ulat ng Public Information Office (PIO) ng lungsod nitong Sabado.
Ayon sa Baguio City Health Services Office (CHSO), ang pasyente ay isang 22-taong-gulang na lalaki at residente ng lungsod. Wala siyang kasaysayan ng pagbiyahe sa ibang bansa ngunit nagkaroon ng close contact dalawang linggo bago magpakita ng mga sintomas.
Naranasan ng pasyente ang mga sintomas tulad ng lagnat, panghihina, panginginig, pagkapagod, at pagkakaroon ng pantal sa mga palad, mukha, braso, likod, at iba pang bahagi ng katawan. Natukoy na ang impeksyon ay dulot ng Clade II, isang mas banayad na uri ng mpox, na kapareho ng unang kaso sa lungsod. Naiulat na ito sa Department of Health noong Enero 18.
Mayroon ding dalawang close contacts ang pasyente na parehong walang sintomas ngunit pinayuhan na mag-quarantine. Isa sa kanila ang matatapos sa unang bahagi ng Pebrero, habang ang isa ay sa Pebrero 24.
Ayon kay City Health Officer Dr. Celia Flor Brillantes, walang dahilan upang mag-panic ang publiko. Pinayuhan niya ang lahat na panatilihin ang tamang kalinisan, madalas na paghuhugas ng kamay, pagsusuot ng long sleeves o jacket, at pag-iwas sa matataong lugar, dahil naipapasa ang mpox sa pamamagitan ng direktang kontak sa balat o sa mga kontaminadong gamit tulad ng kumot at tuwalya.
Bagamat may paparating na malalaking pagtitipon sa Baguio, tiniyak ng CHSO na hindi kasing transmissible ng COVID-19 ang mpox. Ang pagsunod sa mga pag-iingat ay makakatulong upang maiwasan ang pagkalat ng sakit. RNT