Home NATIONWIDE Panggap na BPI: Loan scam ibinabala ng CICC

Panggap na BPI: Loan scam ibinabala ng CICC

MAYNILA, Pilipinas — Naglabas ng babala ang Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) tungkol sa mga loan scam na nagpapanggap bilang Bank of the Philippine Islands (BPI).

Ayon kay CICC Executive Director Alexander K. Ramos, ang mga scammer ay nag-aalok ng mga pautang na “too good to be true.” Karaniwan, ito ay nangangako ng mababang interes, mabilis na pag-apruba, at simpleng proseso.

Karaniwang hinihikayat ng mga scammer ang mga biktima na i-click ang mga link na ipinapadala sa pamamagitan ng SMS. Kapag na-access ang link, ninanakaw nito ang sensitibong impormasyon at detalye ng bangko ng biktima.

“Muling paalala namin sa publiko, huwag kailanman mag-click ng link na naka-attach sa SMS,” binigyang-diin ni Ramos. Aniya, hindi kailanman nagpapadala ng clickable links ang mga lehitimong bangko tulad ng BPI.

Upang makaiwas sa ganitong mga scam, pinayuhan ni Ramos ang publiko na direktang makipag-ugnayan sa mga bangko o lehitimong lending institutions kapag mag-a-apply ng loan. Bagamat mas matagal ang proseso at may mga kinakailangang dokumento, ito ang tamang paraan upang makaiwas sa panloloko.

Kinumpirma ng BPI sa CICC na bahagi ng loan scam ang mga kumakalat na SMS. Muling iginiit ng bangko na hindi ito nagpapadala ng mga mensaheng may links.

“Kung may link, huwag na mag-overthink. Scam ‘yan,” ani Ramos, na nagpaalala sa lahat na maging maingat.

Ang mga biktima ng loan scam o iba pang cybercrimes ay maaaring tumawag sa hotline 1326 upang iulat ang insidente. Bukas ang Inter-Agency Response Center 24/7, kahit sa holidays at weekends. (Santi Celario)