Home NATIONWIDE Ikatlong suspek sa pagpatay sa board member ng Bulacan, naaresto sa Cavite

Ikatlong suspek sa pagpatay sa board member ng Bulacan, naaresto sa Cavite

114
0

MANILA, Philippines – Arestado ng pulisya sa Cavite ang umano’y drayber ng isa sa getaway vehicles na ginamit sa pagpatay kay Bulacan Board Member Ramil Capistrano at drayber nitong si Shedrick Toribio noong 2024.

Kinilala ni Bulacan officer-in-charge police director Col. Jay Baybayan ang suspek na si alyas “King,” 45-anyos, residente ng Monroy St., Barangay Navotas West, Navotas City.

Nahuli ito alas-11 ng umaga sa Barangay Marulas, Kawit.

Ani Baybayan, ang suspek ay nasakote matapos muntik mahulog sa motorsiklo nang banggain nito ang isa sa mga sasakyan ng arresting officer habang tumatakas, sa harap ng isang fast-food establishment sa Antero Soriano Highway.

Isinilbi ng mga operatiba mula sa Bulacan Provincial Intelligence Unit na pinangunahan ni Maj. Mark Anthony Tiongson, kasama ang 1st Provincial Mobile Force Company, Malolos City Police Station, iba pang Police Regional Office 3 units, at Kawit Municipal Police Station, ang warrant of arrest na inisyu ng korte.

Ang suspek ay kasama sa listahan ng most wanted sa Bulacan at nahaharap sa double murder charges sa pagpatay kay Capistrano at Toribio.

Tinitingnan ng pulisya ang anggulong ang krimen ay isang murder-for-hire.

Ayon kay Bulacan police information officer Maj. Jaynalyn Udal, ang suspek ang ikatlo sa apat na indibidwal na may kaugnayan sa kaso na naaresto.

Naaresto naman si dismissed Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) personnel PSSgt. Ulysses Hernani Pascual, 46, mula sa Navotas City at pinaniniwalaang gunman, noong Enero sa Barangay Tres Cruses, Tanza, Cavite.

Unang naaresto noong Oktubre 2025 ang isa pang suspek na kinilalang si Christian Roxas, o kilala bilang “Lupin,” at taga-Navotas din.

Matatandaan na napatay sina Capistrano, 56, at Toribio, 27, sa ambush noong Oktubre 3, 2024 sa service road sa Barangay Ligas, Malolos City, matapos dumalo ng regular session sa provincial capitol. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here