MANILA, Philippines- Inanunsyo ng Department of Transportation (DOTr) at contractor nito ang pagsasara ng ilang bahagi ng Mindanao Avenue sa Quezon City, at pagbubukas ng kaukulang diversion roads, upang bigyang-daan ang pagsisimula ng konstruksyon ng Tandang Sora Station ng Metro Manila Subway Project (MMSP).
Sa press conference sa MMDA office sa Pasig City nitong Biyernes, sinabi ni Engr. Antonio Aganon Jr., chief engineer at civil deputy manager ng Shimizu-Fujita-Takenaka-EEI Joint Venture, ang private contractor ng MMSP contract package 101, na aarangkada ang road closure sa hatinggabi ng January 11 at inaasahang matatapos sa 2028.
”In order for us para magawa po itong Tandang Sora station box is we need to divert…yung traffic on both lanes- northbound and southbound,” pahayag ni Aganon.
Nilinaw naman ni MMDA chairman Atty. Romando Artes na mayroong diversion roads na magsisilbing alternatibong ruta para sa mga motorista.
“I think hindi naman masyadong maapektuhan yung traffic wala po dapat ikabahala yung ating mga kababayan kahit matagal ito gagawin dahil meron naman pong ginawang diversion road of equal lane dun sa isinara,” paliwanag ng opisyal.
Batay sa vehicle volume count na isinagawa ng private contractor, ayon kay Aganon, tinatayang 100,000 sasakyan ang dumaraan sa southbound lane ng Mindanao Avenue araw-araw at 70,000 naman sa northbound lane.
Tiniyak ng private contractor at ng DOTr na sapat ang road signages upang gabayan ang mga apektadong motorista. RNT/SA