![ANG-INYONG-LINKOD](https://remate.ph/wp-content/uploads/2023/10/ANG-INYONG-LINKOD-640x336.jpg)
SA pagsisimula ng bagong taon, ang East Zone concessionaire Manila Water ay patuloy na nanawagan at nagsusulong sa pagsasagawa ng regular na septic tank desludging bilang isa sa mga pinakasimpleng paraan upang protektahan ang kapaligiran, gayundin ang personal na ari-arian.
Kung wala kayong badyet para ipasipsip ang septic tank sa inyong bahay, ipinapaalam ng Manila Water Company, Inc. na mayroon itong libreng desludging services.
Lubhang mahalaga ang pagsasagawa ng regular na desludging sa septic tank para mapanatiling maging episyente ang waste management system sa inyong tahanan.
Nagreresulta kasi itong malaking problema kapag napuno at umapaw na ito.
Ang desludging ay nakakatulong na pahabain ang buhay ng septic system sa bahay dahil pinipigilan nito ang mga bara na maaaring magdulot ng pinsala at pagkasira ng mga septic tank.
Para sa mas malawak na kaalaman ukol sa septic tank desludging, sinusuportahan ng septic tank siphoning ang proteksyon ng kapaligiran at biodiversity sa pamamagitan ng tamang septage treatment. Ang desludging ay maaari ring pigilan ang mga pollutant na makapasok sa mga pinagmumulan ng tubig tulad ng tubig sa ibabaw at lupa.
Ngayong buwan ng Enero, bibisita ang Manila Water’s desludging caravan sa Barangay 795, 803, 804 at 813 sa Lungsod ng Maynila; Pasong Tamo at Alicia sa Quezon City; Daang Bakal at Highway Hills sa Mandaluyong City; at Caniogan sa Pasig City.
Ang mga desludging truck ay makikita rin sa Barangay Balite, San Rafael, San Isidro at San Jose sa Montalban; at Mayamot sa Antipolo City sa Rizal.
“Hinihikayat namin ang mga customer na simulan ang taon nang tama sa pamamagitan ng pag-avail ng mga serbisyong desludging na ibinibigay ng Manila Water nang walang karagdagang gastos. Maaaring tumawag ang mga customer sa Manila Water Customer Service Hotline 1627 o makipag-ugnayan sa mga opisyal ng barangay para malaman ang iskedyul ng pag-desludging sa kani-kanilang barangay,” sabi ni Jeric Sevilla, Manila Water Communication Affairs Group Director.