MANILA, Philippines – Ilang byahe ng barko ang kinailangang ikansela lalo na sa Masbate, Mindoro, at Bohol ngayong Lunes, August 17 dahil sa epekto ng habagat.
Sa abiso ng Philippine Ports Authority, kanselado ang biyahe ng Montenegro Shipping Lines mula Masbate City patungong Pilar, Sorsogon gayundin ang biyahe mula Abra de Ilog patungong Batangas.
Sa Bohol, kanselado ang biyahe ng Sunriser II mula Getafe patungong Cordova, Cebu at Super Shuttle Ferry 28 mula Jagna patungong Balbagon, Camiguin na nakatakdang umalis alas-2:30 ng hapon.
Sa kabila ng mga nakanselang byahe, sinabi ni Eunice Samonte, tagapagsalita ng PPA na walang stranded na pasahero dahil maaga silang naabisuhan ng kanselasyon ng biyahe.
Paliwanag ng ahensya, awtomatikong kanselado ang mga biyahe kapag naglabas ang Philippine Coast Guard ng no-sail policy dahil sa masamang panahon.
Maaari ring magkansela ng biyahe ang mga shipping line alinsunod sa kanilang Certificate of Public Convenience na inilabas ng Maritime Industry Authority. Jocelyn Tabangcura-Domenden