MANILA, Philippines – Bigong makapagpakita ng pasaporte ang nasa 155 na mga dayuhang nasagip mula sa Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) hub sa Porac, Pampanga.
Ayon sa ulat, nasa kustodiya na ng Philippine Anti-Corruption Commission (PAOCC) ang mga dayuhan at sumasailalim sa biometrics upang matukoy kung sila ay may mga pending na kaso.
Kabilang sa mga nasagip sa raid nitong Miyerkules ay mga Chinese, Vietnamese, Malaysian at Burmese citizen.
Sa kabila nito, sinabi ng iba na sila ay nagbabakasyon lamang sa Pilipinas.
“We have no work in here. We don’t work in here. We just come here to travel,” sinabi ng isang Vietnamese national.
“We are not POGO, we are just friends together,” a ayon naman sa isang Malaysian citizen.
Sa kabila nito, nang hingian ng pasaporte ay walang maipakita ang mga ito.
“Wala ho akong nakitang swimming pool…wala rin ho akong nakita doong beach resort,” pahayag nu Winston Casio, PAOCC spokesperson, sa panayam ng GMA News.
“Tandaan ho natin mga scammer ho ito. Kahit anong kwento ay gagawin nila para mapapaniwala ang kahit sino po.”
Sa inisyal na imbestigasyon, napag-alaman ng PAOCC na may mga ilang tao sa likod ng POGO hub sa Porac na posible ring konektado sa Bamban, Tarlac.
“Itong susunod na mga araw po siguro, makikita natin kung sino nga ba ang tunay na may ari sa likod nitong Lucky South 99 at mabibigla ang sambayanang Pilipino kung sino nga ba ang nasa likod,” ani Casio. RNT/JGC