MANILA, Philippines- Doble-ingat ang paalala ng mga awtoridad sa mga residenteng apektado ni Tropical Storm Kristine dahil maraming lugar na sa Visayas at Luzon ang lubog sa baha at nakaranas ng pagguho ng lupa, iniulat kaninang umaga.
Abot hanggang leeg ang tubig-baha sa Negros Occidental, na nagdulot ng matinding trapiko sa kalsada habang ang mga residenteng naapektuhan ay dinala sa evacuation center.
Nailigtas naman ang dalawang matanda sa kanilang bahay matapos bumagsak ang malaking puno dulot ng malakas na hangin sa Barangay Taculing.
Halos lumangoy naman sa tubig ang mga residenteng pauwi sa kanilang tahanan sa Tagbilaran, Bohol, matapos lumubog sa baha ang kanilang sasakyan.
Hindi naman madaanan ang kalsada sa Apayao, matapos itong harangan nag gumuhong lupa sa Calanasan kaya agad naman nagsagawa ng clearing operation ang lokal na pamahalaan para madaanan ng mga motorista.
Maagang inani ng mga magsasaka sa Laoag Ilocos Norte ang kanilang mga pananim bunsod ng malakas na hangin.
Gayundin sa Oas, Albay, dahil sa malakas na buhos ng ulan na nagdudulot ng pagbaha sa Pili, Camarines Sur na tinututukan ngayon ng mga awtoridad ang lugar na bahain sa naturang lalawigan na labis na naapektuhan ng bagyong Enteng noong Setyembre.
Sinabi ng Philippine Coast Guard (PCG) na apektado ni Kristine ang mga operasyon sa 34 daungan na may kabuuang 3,418 na pasahero kabilang ang mga truck driver at cargo helper, 679 rolling cargoes, 26 na sasakyang pandagat, at 11 motorbanca ang stranded.
Gayundin, 54 sasakyang-dagat at 67 motorbanca ang sumilong sa ngayon.
Karamihan sa mga stranded ay nasa Eastern Visayas na may 2,027, sinundan ng Bicol na may 1,229, at Southern Tagalog na may 162.
Sa ipinalabas ng state weather bureau PAGASA, Kristine ay lumakas at naging tropical storm noong Martes habang patuloy itong kumikilos pa-kanluran. Mary Anne Sapico