Home OPINION ILANG MUKHA NG DROGA

ILANG MUKHA NG DROGA

NAPAKARAMING mukha ng droga.

Bago at sa kalagitnaan ng administrasyon ni dating Pangulong Digong Duterte, sa isang lalawigan na nilukuban ng droga, naging biktima ang ilang hukuman.

Sa kaso ng isang druglord na kilalang kapatid ng isang mayor ng bayan, natakot ang mga huwes na humawak ng kanyang mga kaso.

Tuwing may isasampang kaso ang mga pulis laban sa druglord na naging ninong at nagpapanalo ng mga mayor sa halalan sa ibang bayan, umaatras ang mga huwes sa rasong kamag-anak nila iyon.

Pero ang totoo, naghahari ang kanilang takot na sila’y pinsalain ng druglord na noo’y may mga badigard na pulis.

Pero may ilang huwes na hindi natakot at lumalapit sa Philippine Army sa halip na sa mga pulis para maging bantay nila sa pagsasagawa ng mga imbestigasyon at paglilitis sa mga kasong droga.

Subalit pulis din ang nagtapos sa paghahari ng druglord nang i-raid nila ang bahay nito mismo at doon nagtapos ang buhay nito.

Tumigil din ang mga bilyong pisong halaga ng droga sa ilang bayan sa lalawigan nang pangalanan mismo ni Pang. Digong ang mayor na ginawang druglord ng pinatay na druglord.

Sa isa namang lalawigan na may pinatay na huwes ng grupong markado ng droga at carnapping, isang babae ang kilalang nagpapakalat ng droga.

Ilang beses na ring nahuli ito pero pinakakawalan ng mga pulis sa ‘di tiyak na mga dahilan, bagama’t tumigil siya saglit sa panahon ni Pang. Digong sa takot na malintikan.

Pero ang katangi-tangi sa babae, isinasalang pala nito ang kanyang katawan upang makarami ng benta maging sa mga menor-de-edad.

Kaya naman, nakilala ang babae na nagbebenta ng kanyang mga anak makaraang mabuntis.

Kumikita na sa droga, kumikita pa sa pagbebenta ng mga baby.

Pero pagdating ng Marcos administrasyon, nagpatuloy ito sa pangangalakal ng droga at sarili at nahuli muli siya nang dumayo sa ibang bayan.