Home OPINION MAHINAHON SUBALIT PADER ANG PANININDIGAN

MAHINAHON SUBALIT PADER ANG PANININDIGAN

TAGLAY ni Pangulong Bongbong Marcos  ang karakter ng isang tunay na lider sa gitna ng malalaking hamon na kinakaharap ng bansa sa West Philippine Sea kung saan sadyang sukdulan na ang nararanasang panggigipit ng mga mangingisda’t sundalo sa kamay ng mga Tsino.

Bagaman ramdam ni PBBM  ang nagbabagang galit ng sambayanan hinggil sa pinakahuling pang-aabusong ginawa ng China Coast Guard laban sa mga kababayang sundalong magdadala lang naman sana ng suplay sa BRP Sierra Madre ngunit mariing sinabi ni PBBM na hindi tayo magsisimula ng anomang hakbang na magiging sanhi ng kaguluhan sa WPS.

Maliwanag pa sa sinag ng buwan ang mensahe ng Pangulo sa pakikipagpulong nito sa mga sundalo sa Palawan kamakailan. ”The Philippines would not instigate a war but would not yield to any foreign power,” ani Presidente Marcos.

Batid ng lahat na likas sa ating mga Pinoy ang walang inuurungan sa anomang laban subalit klarado ang pahayag ni PBBM na hindi gagamit ng puwersa at dahas ang sinoman sa atin kaugnay sa pag-resolba ng krisis sa inangking teritoryo bagkus ay mapayang paraan pa rin ang marapat na gamitin.

At sa gitna nang pambabalahurang ito, nasa high morale pa rin daw ang mga sundalong nagbabantay sa karagatang ‘yun ayon kay Defense Secretary Gilbert Teodoro kahit bakas sa kanyang mukha ang poot at galit dahil insidenteng naganap.

Sa madali’t sabi, likas kay Pangulong Marcos ang pagiging mahinahon ngunit may paninindigan sa paghahanap ng solusyon sa anomang mabigat na suliranin na kinahaharap ng bansa tulad ng krisis ngayon sa WPS.

Subalit kailangan pa rin ng mga kaalyadong higanteng bansa na umalalay sa atin dahil anomang oras ay posibleng lumalala ang kalagayan doon na pinaniniwalaan umanong posibleng sumiklab ang panibagong hindi inaasahang kaguluhan.

Anomang puna o suhestiyon itex sa 09999388537/email [email protected]