MANILA, Philippines – Tumaas ang ranggo ng ilang opisyal ng Philippine Coast Guard (PCG), ayon sa Department of Transportation (DOTr).
Kabilang sa na-promote sa ranggong Rear Admiral si PCG spokesperson for the West Philippine Sea Commodore Jay Tarriela, Weniel Abarquez Azcuna, at Oliver Sy Tanseco na-promote sa ranggong Rear Admiral.
Inatasan si DOTr Assistant Secretary Giovanni Lopez na ipamahagi ang mga kopya ng liham na nilagdaan ni Acting Executive Secretary Ralph Recto sa tatlong opisyal sa loob ng pitong araw mula sa pagtanggap nito.
Matatandaang nasangkot si Tarriela sa sagutan sa mga opisyal ng Chinese Embassy kaugnay ng usapin sa teritoryo sa West Philippine Sea.
Noong Enero 2026, naghain ng diplomatic protest ang China laban kay Tarriela dahil sa mga post niya sa social media laban sa mga lider ng China. Ayon kay Tarriela, ang kanyang mga pahayag ay nakabatay sa “factual accounts.”
Sinabi naman ng Chinese Embassy na ipinatawag ng Ministry of Foreign Affairs ng China ang Philippine ambassador sa Beijing dahil sa akusasyong nagsasagawa si Tarriela ng “smear campaign” laban sa Beijing. Kinondena rin ni Tarriela ang mga “Filipino trolls” na tila inuulit ang naratibo ng China matapos ang kanyang post tungkol sa mga lider ng China.
Kamakailan, sinabi ni Tarriela na ang Foreign Information Manipulation and Interference (FIMI) operations ng China ay naglalayong gamitin ang mga umiiral na naratibo, kabilang ang papel ng Pilipinas bilang ASEAN host, upang impluwensyahan ang diskurso ng publiko at magdulot ng kalituhan sa mga Pilipino.
Sa parehong pahayag, itinanggi ni Tarriela na inakusahan niya ang Department of Foreign Affairs (DFA) bilang “troll” o gumagawa ng anumang hindi tamang aksyon kaugnay ng usapin sa China at West Philippine Sea. Jocelyn Tabangcura-Domenden