MANILA, Philippines – Pinagtibay ng National Wages and Productivity Commission (NWPC) ang Wage Order No. RB XI-24 at RB XI-DW-04 na magtataas ng sahod sa Davao Region simula Marso 13, 2026.
Tiniyak ng NWPC na ang mga wage order ay sumusunod sa batas, at nagbibigay din ng tulong-teknikal sa wage distortion.
Sa ilalim ng Wage Order No. RB XI-24, na inilabas ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board -XI magkakaroon ng karagdagang P20 sa arawang minimum na sahod sa agriculture sector at P30 sa non-agriculture sector, na ibibigay sa dalawang pagkakahati- ang unang bahagi ay sa bisa ng Wage Order, at ang ikalawang bahagi ay sa 01 Setyembre 2026.
Matapos ang implementasyon ng dalawang bahagi, tataas ang minimum na sahod sa rehiyon mula P505 ng P525 para sa agriculture sector, at mula P510 magiging P540 para sa non-agriculture sector, na katumbas ng P13,693.75 at P14,085 kada buwan. Ito ay direktang pakikinabangan ng tinatayang 66,772 na manggagawang tumatanggap ng minimum na sahod.
Samantala, ang mga kasambahay sa Davao Region ay makakatanggap din ng buwanang dagdag sa sahod na P500 para sa mga nasa Chartered Cities at First-Class Municipalities, at P1,500 sa mga nasa Other Municipalities. Dahil dito, magiging P6,500 ang buwanang minimum na sahod ng mga kasambahay sa buong rehiyon, na pakikinabangan ng 64,111 domestic workers sa parehong live-in at live-out arrangement.
Magsisimulang magkabisa ang mga Wage Order sa 13 Marso 2026, labinlimang araw matapos itong maipalathala noong 25 Pebrero 2026.
Tiniyak ng NWPC na ang mga wage order ay sumusunod sa batas, at nagbibigay din ng tulong-teknikal sa wage distortion.
Bukod sa pagtatakda ng minimum na sahod, aktibo ring nagbibigay ang NWPC at RTWPB-XI ng tulong-teknikal sa mga negosyo upang maayos ang wage distortion — o ang pagliit ng agwat sa sahod ng iba’t ibang antas ng trabaho — sa pamamagitan ng NWPC Advisory No. 01, Series of 2023.
Inaasahang makikinabang dito ang humigit-kumulang 402,968 full-time workers na kumikita ng mahigit sa minimum na sahod sa rehiyon.
Upang matiyak na nararamdaman ang mandatong ito sa lokal na antas, nagsasagawa ang Department of Labor and Employment (DOLE) at RTWPB-XI ng malawakang kampanya para sa impormasyon at mahigpit na pagbabantay sa mga establisyimento sa pamamagitan ng inspeksyon sa paggawa.
Para sa mga katanungan tungkol sa bagong wage order o tulong-teknikal sa pag-sasaayos ng wage distortion, maaaring makipag-ugnayan sa RTWPB-XI sa email address na: [email protected]. Jocelyn Tabangcura-Domenden