Home NATIONWIDE Mga taong nasa likod ng usaping ‘maleta’ ginagamit lamang sa pagpapatalsik kay...

Mga taong nasa likod ng usaping ‘maleta’ ginagamit lamang sa pagpapatalsik kay PBBM – Malakanyang

165
0

MANILA, Philippines – “Malamang!”

Ito ang naging tugon ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro nang tanungin kung naniniwala ba ang Malakanyang na ginagamit lamang ang 18 dating marines, sinasabing naghatid ng ‘kickbacks’ kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at iba pang opisyal, para patalsikin sa puwesto ang Pangulo at pabagsakin ang administrasyon nito.

“Pero wala po tayong partikular na impormasyon patungkol po diyan. Kung anong nais nila, hindi po natin batid pero ang mga nasa likod nito, alam naman natin kung anong gusto nila,” ang sinabi ni Castro.

Para kay Castro, ang mga taong nasa likod ng paglutang ng mga dating Marines ay parehong indibiduwal na nagnanais na patalsikin sa puwesto ang Pangulo at ilagay ang kanilang lider sa puwesto.

“Sa lahat ng mga ginagawa nila lalong-lalo na ang paninira na walang basehan at kung sino ba ang mga taong nasa likod nito, sila rin naman ang mga taong nais na pabagsakin ang gobyernong ito at patalsikin ang Pangulo sa puwesto at iluklok ang kanilang ‘poon’,” diing pahayag ni Castro.

Nabanggit ito ni Castro nang tanungin kung pareho rin ba ang opinyon nito kina Senator Panfilo Lacson at dating senator Sonny Trillanes na ang motibo sa paglutang at pagsasalita ng 18 dating Marines ay maiuugnay sa destabilisasyon.

“So, malamang sinasabi rin po ito ni Senator Lacson dahil nabiktima na po siya ng mga paninira noon,” ang sinabi ni Castro.

Kaya nga ang paalala ni Castro sa mga di umano’y mga bagman na huwag hayaan ang kanilang mga sarili na gamitin para masira ang bansa.

“At, sana bilang Pilipino, huwag na lamang po silang magpagamit at makakasira po ito para sa ating bansa at para sa maganda sanang pagsulong ng ating bansa. Huwag na po silang magpagamit bilang Pilipino,” ang pahayag ni Castro. (KRIS JOSE)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here