BUNIA, Congo – Apat na nurse na tinamaan ng Ebola virus (Bundibugyo strain) ang gumaling at na-discharge na mula sa ospital sa Bunia, Democratic Republic of Congo, ayon sa World Health Organization (WHO).
Kasama nila ang isang laboratory worker na nauna nang gumaling, kaya umabot na sa limang katao ang nakarekober mula sa sakit. Ayon sa WHO, inaasahan pa ang mas marami pang gagaling, lalo na kung maagap ang diagnosis at agarang mabibigyan ng gamutan.
Sa kabila nito, patuloy ang pagtaas ng kaso sa bansa na umabot na sa 282 confirmed infections at 42 deaths, matapos madagdagan ng 19 bagong positibong kaso.
Idineklara ng WHO ang outbreak bilang isang public health emergency of international concern, ngunit nilinaw na hindi ito pandemya. Ayon kay WHO Director-General Tedros Adhanom Ghebreyesus, bagama’t wala pang aprubadong bakuna o gamot para sa Bundibugyo strain, may pag-asa pa rin ang mga pasyente kung maayos ang medical care.
Nagbabala rin ang mga health officials na posibleng kumalat ang sakit sa rehiyon, habang mahigit 1,100 suspected cases ang iniimbestigahan.
May mga iniulat ding suspected cases sa Brazil at Italy, ngunit ang ilan ay nagpositibo sa ibang sakit gaya ng meningitis at malaria. Patuloy pa ring iniimbestigahan kung may kaugnayan ang mga ito sa Ebola outbreak.
Ayon sa mga eksperto, ito ang isa sa pinakamalalaking Ebola outbreaks sa Congo sa nakalipas na mga dekada, at patuloy ang international response upang mapigilan ang pagkalat ng sakit. RNT/MND