Home TOP STORIES Higit 45 dedo sa pagsabog sa isang gusali sa Myanmar

Higit 45 dedo sa pagsabog sa isang gusali sa Myanmar

121
0

NAY PYI TAW, Myanmar – Mahigit 45 katao ang nasawi at humigit-kumulang 70 iba pa ang nasugatan matapos ang malakas na pagsabog sa isang gusali sa hilagang-silangang Myanmar noong Linggo ng tanghali, ayon sa rescue workers at ilang independent media reports.

Naganap ang insidente sa nayon ng Kaungtup sa Namhkam township, malapit sa hangganan ng China. Ayon sa mga ulat, ang lugar ay ginagamit umanong imbakan ng mga explosives para sa pagmimina.

Sinabi ng isang rescue worker na nakarating sa lugar na 46 bangkay, kabilang ang 6 na bata, ang narekober at dinala para sa cremation. May isa pang ulat na nagsasabing umaabot sa 40 ang nasawi, habang mahigit 100 bahay ang napinsala.

Aabot naman sa 74 sugatan ang dinala sa ospital at patuloy ang rescue operations. Iba’t ibang media outlet sa Myanmar ang nag-ulat na maaaring umabot sa 50 hanggang 55 ang death toll, habang patuloy pa ang beripikasyon ng mga awtoridad.

Ayon sa mga paunang imbestigasyon, naganap ang pagsabog sa lugar na pinag-iimbakan ng gelignite, isang uri ng explosive na ginagamit sa pagmimina at quarrying ngunit maaaring maging delikado kapag hindi maayos ang pag-imbak.

Sinabi rin ng Ta’ang National Liberation Army (TNLA), na kontrolado ang lugar, na kanila umanong iniimbak ang mga explosive para sa pagmimina at kasalukuyan silang nagsasagawa ng imbestigasyon sa sanhi ng pagsabog.

Patuloy pa rin ang kaguluhan sa Myanmar mula nang kudeta ng militar noong 2021, na nagdulot ng malawakang labanan sa iba’t ibang bahagi ng bansa. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here